Quantcast
Channel: Lito Bautista Archives | Bandera
Viewing all 138 articles
Browse latest View live

‘My brother is not a pig!’

$
0
0

HANDA ka bang sumama sa pagbisita sa mga biktima ng masamang droga? Iyan ang Pagmamasid ng Diocese of Novaliches sa Ebanghelyo (1 Sam 24: 3-21; Sal 57:2-4, 6, 11; Mc 3:13-19) sa Paggunita kay San Francisco de Sales, Biyernes sa ikalawang linggo ng karaniwang panahon. Ang Pagmamasid ay ang paggiging gising sa kapaligiran at nararamdaman ang kasalukuyan; pinupukaw ang sarili upang maging handa sa susunod na hakbang.
***
Bagaman nananatili pa rin ang paninindigan kontra EJK, pumipihit na ang simbahan at kinikilala ang kasamaan at paninira ng droga sa pamilya, sa buhay ng tanan, Katoliko man o hindi (taon ngayon ng Ekumenismo at Dialogo sa pagitan ng mga Relihiyon kaya walang trosong nakaharang sa pagmamahal sa kapwa), dapat sama-sama labanan ang droga, yakapin at tulungan ang mga biktima ng masamang bisyo. Nasa matuwid at espirituwal na landas ang Butuan City Police Office nang ikampanya nito ang DEAD, o ang Drug Ends All Dreams. Espirituwal dahil ang misyon ng BCPO ay manatiling buo ang pamilya.
***
Dahil sa tagumpay na kampanya ni Bato kontra bato, napagtripan siya ng Amerika, na matagal nang bangag sa droga (yan ang gusto nila kaya ayaw nilang lutasin ang problema sa droga); binawi ang kanyang visa para di na niya madalaw ang pamilya sa US. Siyempre, nagalit si Duterte. Ang poot ng hari ay parang leon na umuungol. Ang gumalit sa kanya ay nanganganib ang buhay. Kawikaan 20:2
***
Natuyot ang isip ng mga nagsabing, “visa lang yan, bakit ibabasura ang VFA?” Tanga, gago. Yan ang bansag ng isang obispo (hinubog ni Cardinal Sin at may MA at SThD bukod sa DD) sa hindi nag-iisip ng malalim (critical thinking), kabilang na ang ilang pari (marami pa akong alam na sigalot ng pari sa kapwa pari, pero ibang istorya de un amor yan). Stupid at idiot. Marami rin naman daw ang tinangggalan ng visa pero di naman sila nag-ingay sa media at nagsumbong sa presidente.
***
Minsan na tayong naging gamu-gamo. Binabaril na parang baboy damo sa Crow Valley ang mga kabataang namumulot ng tingga, tanso at bakal pagkatapos mag-ensayo ang US fighter jets. Baboy damo (si Bato, si totoy)? Ang nangangalisag at nagngangalit na tugon ni Nora ay, “My brother is not a pig!” Hindi naman “pig” si Bato; si totoy. Hindi naman “pig” sina Bato, totoy at mga residente ng Balangiga, Samar. Umungol silang parang leon at nanganib nga ang buhay ng mga Kano. Wala pang presidente na lumaban sa mapang-aping Amerika, maliban sa Bisayang Duterte. Kaya mahal siya ng taumbayan.
***
Hindi naman nakinabang ang Pinas sa VFA at EDCA. Sipsip lamang ang dilawan kaya ipagtatanggol nila ito. Kasinungalingan na nakatulong ang Kano sa Marawi. Sa panahon ni BS Aquino, hindi niya pinaigting ang teknolohiya ng AFP at PNP. Bagaman araw-gabi ay nalalagasan, hindi umatras ang mga sundalo’t pulis sa Marawi. Yan ang umuungol na leon. Dugong leon, tulad ng pangulo. Tulad ni David na hindi umurong sa Pilisteo. Hindi ngawa; gawa ang ginawa ni Duterte (kaya nga isinoli ang mga kampana ng Balangiga dahil nangatog ang tuhod ng puti sa banta ng kayumanggi). Sinong mag-aakala na ang mayabang na Obama ay tumiklop at naging kuting kay Duterte?
***
Ang abuso ng mga Kano, na panggagahasa sa mga Pinay, ay naganap sa Cavite City, sa loob at labas ng Sangley Point Naval Base. Tinapalan ng pera (dolyar at piso) ang mga biktima’t hudikatura. Karamihan ay tinakbuhan na lang. Wala pang pampalaglag noon kaya maraming Pinay ang nabuntis. Ebidensiya: maraming Pinay na mestisang Kano ang sumali sa mga beauty contest. May mga nanalo at may mga natalo. Ang masakit, binansagan pa silang “hanggang pier” beauties.
***
Hindi kasama ang mapang-aliping Amerika sa binabalangkas na Code of Conduct ng Association of Southeast Asian Nations para malutas ang bilateral disputes ng mga kasapi, bagaman low-intensity conflicts ang mga ito. Ang Pinas lamang ang maingay, pero ang karamihang miyembro ay tahimik pero matatag na huwag magpaalipin, at maniwala, sa pambobola ng US; kaya itinakda ang susunod na pulong sa Las Vegas, ang lungsod ng sex at sugal at senglot.
Mapangutya ang alak at maligalig ang inuming matapang; hindi marunong ang namamalagi sa mga ito. Kawikaan 20:1.
***
UST (Usaping Senior sa Talakayan sa Bagna, Malolos City, Bulacan): Karamihang aksidente sa bahay ng mga senior ay sa loob ng banyo. Nadudulas sila dahil mahina na ang balanse. May ilang namamatay. May ilang nagtatagal sa ortho hospitals. Sa nakaririwasa, ipinagpapatayo ng sariling banyo ang matatanda: may upuan sa shower at matitibay na hawakan sa may inidoro. Kapag mahirap, kampanilya na pantawag ng tulong. O sigaw!
***
PAGBABAHAGI sa NilaYan (Nilay-Ugnayan sa Sumapang Matanda, Malolos City, Bulacan): Laziness, pride, envy, lust, greed. Ito’y mga kahinaan na kailangan ng pampalakas na espirituwal, ayon sa layko na tumawag ng umpukan (ugnayan). Pero, hindi iginiit ng layko na humingi ng payong kaluluwa sa mga nahihirapan. Nahihirapan? Malaya silang yakapin ang mga kahinaan. Likas ngang masukal ang daan sa Ikatlong Langit.
***
PANALANGIN: Ipagkaloob Mo ang wasto at makatarungan. Fr. Mar Ladra, ng Healing Eucharist, na itiataguyod ng Philippine Daily Inquirer.
***
MULA sa bayan (0916-5401958): Matrapik na. Dapat maraming MC taxi. …4590, Bankerohan, DC

The post ‘My brother is not a pig!’ appeared first on Bandera.


naTangaVirus, kumalat

$
0
0

ANG sakit sa katawan, emosyon at espirituwal ay madaling pagalingin, kung lalapit lamang sa Kanya. Karaniwan, ang sakit sa emosyon ang nauna pang lumalala, at nakamatay, dahil sa kawalan ng edukasyon at pagtitiwala. Iyan ang Pagsasaayos sa Ebanghelyo (1 Hari 8:1-7, 9-13; Salmo 132:6-7, 8-10; Marcos 6:53-56) sa kapistahan ni Santa Scholastica, Lunes sa ikalimang linggo ng karaniwang panahon.
***
Sa healing masses sa National Shrine of the Divine Mercy sa Marilao, Bulacan, ang unang panalangin ng pari at hiling ng mga pilgrims ay ang pagpapagaling sa sakit na ang pinarurusahan ay ang katawang lupa. Pero, hindi kinaliligtaan ng pari ang pananalangin sa sakit ng emosyon, na dulot ng bagabag at depresyon, maging ang sakit sa pera, o utang (Sapagkat Ikaw ang pag-asa ng mga nahihirapan at kublihan ng mga nasa kagipitan, naniniwala akong sa pagluhog kong ito ay tutulungan Mo ako. Maawa Ka sa akin, panalangin para sa di makabayad ng utang, ni Fr. Mar Ladra).
***
Kasabay ng pagkalat ng nCoV ay ang naTangavirus, na ang napinsala ay emosyon. Yan ang nangyari sa isang bayan, na tinubuan pa man din ng matatalino. Mabuti na lang at ang kanilang guni-guning virus ay hindi nahawa si Duterte, na kampanteng hindi tatamaan ang Pinoy. Sa suicide lecture ng Kanong si Fr. Cris Alar, kura ng National Shrine of the Divine Mercy sa Boston, Massachusetts sa Marilao, Bulacan, ipinaliwanag niya kung bakit hindi tatamaan ng nCoV ang Pinoy, na protektado ng divino. Kay Digong, ang proteksyon ay nanggagaling sa init ng araw, na kaloob din ng Diyos.
***
Para kay Pokwang, ang takot ay sanhi ng pagiging mahirap ng Pinoy, na walang perang pambili ng mamahaling gamot. Ang pinakamalaking takot ay mula sa kawalan ng pag-aaral sa coronavirus, na naiiwasan naman. Kapag ginamit na tema ng tsismis, maya-maya ay mahahawa na raw ng virus. Sinisisi ng ilan ang media, na siya raw nagpakalat ng takot. Kailanman, hindi nanakot ang simbahan, bagkus nagpaalala lang ng pag-iingat at dasal. Sa Talaarawan 1453, ni Santa Faustina: I should not capitulate to illness. One was regarded as seriously only when one was in one’s last agony.
***
Habang ang Batasan ay nagkukumahog sa pagpasa ng (mga) batas sa diborsyo, na wala namang katiyakan na makalulusot sa Senado, ang mga diyosesis ng Malolos, Novaliches at Cubao ay naliligalig sa dumaraming pagsasama, at hindi ang pag-aasawa dahil madalang o pa isa-isa na lang ang nagpapakasal. Madaling tapusin ang pagsasama ng dalawang puso na kapwa nagpasya na tuldukan na ang walang pinanumpaang unyon. Di iiral ang magastos na diborsyo ng Kamara. Maging ang mga kasal sa simbahan ay nagkakasundo na lang sa hiwalayan. Mas matipid ang hiwalayan at walang kuskos-balungos.
***
Swear to God (may gumagamit pa ba ng salitang ito?) daw na hindi nakita sa iskwater at resettlement areas sina Representatives Edcel Lagman, Arlene Brosas, France Castro, Sarah Elago, Eufemia Cullamat, Carlos Isagani Zarate, Ferdinand Gaite at Pantaleon Alvarez. Pero, nakikita sila na kasalamuha ng mayayaman, nasa poder at sosyal. Sila ang nangangailangan ng divorce at hindi ang mahihirap. Mas marami ang mahihirap kesa mayayaman; kaya walang silbi ang diborsyo sa dukha.
***
Kapag divorced na, meron daw “right to contract marriage again.” Matagal pa ito at maseremonya, magastos. Sa iskwater at resettlement areas, mamaya lang ay may bagong kasiping/kinakasama na ang mga naghiwalay. Narinig na ba ng mga mambabatas ang sagutang: Kung kaya mo, mas kaya ko? Kung hindi pa nila narinig ito at di pa rin sila nakikita na bumababa sa iskwater at resettlement areas, sayang lang pasuweldo sa kanila ng mahihirap/taumbayan.
***
UST (Usaping Senior sa Talakayan sa Santo Nino, Hagonoy, Bulacan): Masigla at maramdaming usapin ang depresyon sa matatanda, lalo na nang pangunahan ng nakaaalam ang umpukan at simulan sa maliliit na bagay, tulad ng apo na matigas ang ulo, P5 na lang ang nasa bulsa, asawa (senior na rin) na naglalaro sa ibang kandungan, atbp. Iba ang kalutasan kung ilalapit sa pari (pinakamaraming pari ang Hagonoy), pero mas mabuti kung idudulog sa may kaalaman sa siyensiya. Sa barangay? Wala silang pag-aaral at kasanayan, kahit na sa senior citizens office. Anghel kung ituring ang tumutulong sa depresyon ng matatanda.
***
PAGBABAHAGI sa NilaYan (Nilay-Ugnayan sa San Agustin, Hagonoy, Bulacan): Nakagugulat na asenso ang ibiniyaya sa Bulacan: lahat ay may sasakyan (motor o/at kotse, dahil napakamura ng downpayment). Parang ayaw nang sumakay ng jeep, maliban na lang sa di kayang magmaneho. Sa mga bagong sibol, nakababawas ng kisig kapag iniwan ang kotse dahil sa trapik; dahil ang kanyang uri ay pedestrian na lang at di na de-kotse. Pero, bakit puno pa rin ang bus na pa-Cubao?
***
PANALANGIN: Naniniwala ako, San Padre Pio, na dinidinig ng Panginoon ang iyong pagtawag para sa humihingi ng paggaling. Fr. Mar Ladra, ng Healing Eucharist, na itinataguyod ng Philippine Daily Inquirer.
***
MULA sa bayan (0916-5401958): nCoV? Wala yan dito. Malinis ang hangin at paligid namin. …2713, Langgam, Maco, Davao de Oro.

The post naTangaVirus, kumalat appeared first on Bandera.

Tinatamad na mga pari

$
0
0

PASTULAN ninyo ang katawan ng Diyos na kasama ninyo. Pangalagaan ito hindi nang sapilitan, hindi ng sakim sa salapi kundi nang bukal sa kalooban. Iyan ang Unang Pagbasa sa Ebanghelyo (1 P5:1-4; Sal 23:1-6; Mt 16:13-19) sa kapistahan ng Luklukan ni Apostol San Pedro, Sabado sa ikaanin na linggo ng karaniwang panahon.
***
Nakapanlulupaypay, sa cerrado Catolico na tulad ko, ang balitang kokonti (hindi konti, dahil ito na ang katapusan, pag konti na nga) na raw ang nagsisimba sa Pinas, at ang tinamaang simbahan ay ang Minor Basilica ni San Lorenzo Ruiz sa Binondo, Maynila. Ayon kay Rev. Siegfred Arellano, pari ng Minor Basilica, ang paghuho ng bilang ng mga nagsisimba, simula sa nakalipas na dalawang linggo, ay ang Covid 19, bagaman wala namang tinamaan ng coronavirus sa arabal ng Basilica. Pero ang simbahang Rosario noon ay nabawasan na ang nagsisimba nang maging negosyo ang paligid.
***
Ang kokonting nagsisimba ay di lamang sa Basilica ng Binondo, kundi sa maraming dambana ng diyosesis at pangunahing simbahan na dati’y itinuturing na malalakas na teritoryo. Maging ang Manila Cathedral, ang diyosesis ng Arzobizpado de Manila at Minor Basilica ng Inmaculada Concepcion ay nababawasan din ng mga nagsisimba, sa kabila ng aircon nito. Maliban sa Minor Basilica ng Nuestro Padre Jesus Nazareno, na hindi aircon, maraming simbahan na rin ang nabawasan. Maraming dahilan, pero ang tila pangunahin ay ang tamad na mga pari. Di na nakaaakit ang kanilang homilia.
***
Ang araw-araw na homilia, at ang dalawa hanggang apat na homilia araw-araw, ang kinatatamaran ng mga pari (paano na ang walong homilia sa Linggo, Solemnidad, kapistahan at Pangunahing Paggunita?). Maraming aklat ng RTR (ready-to-read Gospels with reflection) ang inililimbag; ang mayayamang diyosesis ay may sariling RTR. Hindi na magninilay at magsusulat ang magsesermon dahil puyat sa “nocturno vida” at babasahin na lang ang RTR o liliguy para di mahalata ng lectors, commentators at lay ministers.
***
Ang katamaran ng ilang pari ay makikita sa bilis ng kanilang pagmimisa, lalo na kung siya ang first mass sa 5 n.u. Ang tamad ay magpupursige para agad na matapos ang Misa. Ang “saintly priest” ay ninanamnam ang pagdaan ng trigo sa gilingan para angkop sa altar at ang pagpisa ng ubas sa winepress, wika nga. Sa madaling salita, sisikapin niyang maging totoo sa kanyang salita sa makasalanan, nagsisisi at nagbabalik sa pananampalataya para maunawaan at tanggapin ang Salita.
***
Sa isang “show” na sinubaybayan ng may 10 milyon Katoliko, tinanong ng tanyag na pari ang deacon kung ano ang kaibahan niya at ng magpapari. Ang sagot ng deacon: ang pari ay malaki na ang tiyan at siya ay maliit pa. Namula ang pari at halos pagbuhatan ng kamay ang namutlang deacon. Ang pag-inom ng alak gabi-gabi, bago matulog at ang pagiging matakaw sa pagkaing libre hain ng mga hermanos y hermanas ay nagiging sanhi ng paglaki ng tiyan at pagiging tamad kinabukasan.
***
Ang isa pang kinatatamaran ay ang pagtugon sa sick call. Ang sick call ay inihahambing din sa pagdalaw ni Maria kay Elizabeth, ang ikalawang Misteryo ng Tuwa, ayon sa Ebanghelyo ni San Lucas (1:39-45). Ang sick call ay agarang pagtugon, pero kapag ito’y nabalam o nabimbin, ang pamilya at maging ang may karamdaman ay labis na mag-aalala at mababagabag. Paano nila sisisihin ang Diyos na kanilang tinawag? Ang nakadadalamhati ay datnan ng pari ang naghihingalo na bangkay na. Ang pilosopong pari ay mangangatuwiran na trapik (kasi) at puwede pa raw dahil wala pang dalawang oras; at dadasalan na lang niya ang yumao malapit sa tenga.
***
Nakapanlulumo rin sa mga mananampalataya na alam nila ang bukas na lihim na si Father ay naakit ng demonyo ng laman, tulad ng nangyari sa isang maliit na parokya sa Mimaropa. Lumaban ang parshioners sa hayok na peri, pero natalo sila nang imbestigahan mismo ng simbahan at ihayag ng isang obispo na dinismis ng Vatican ang reklamong pangmomolestiya. Sa isang malaking simbahan, umalma ang mga obrero nito nang mapansin ang kakaibang interes ng isang pari sa altar girl; hanggang sa inilipat ang pari sa malayong parokya. Hindi naman nawawala ang pananampalataya’t pagsimba, kung mauunawaan lang ang homilia, tulad ng mungkahi ng isang obispo na paminsan-minsan, ipaliwanag ang aral ng Unang Pagbasa at Salmo, at huwag pairalin ang katamaran.
***
UST (Usaping Senior sa Talakayan sa Longos, Balagtas, Bulacan): Sa nakararami sa umpukan, ang may konsiyensiya na lang ay ang matatanda; at wala na ang mga bagong sibol. Nakalulungkot na ang kabataan ay wala nang konsiyensiya, na tinawag pa ng bagong henerasyon na moral values. Sa matatanda, GMRC (Good Manners and Right Conduct) yan. Ang moralidad ay nagmumula sa turo ng magulang at simbahan (Katekista, na laganap noon; wala na ngayon). Wala na nga ang moral values, wala na rin ang konsiyensiya.
***
PAGBABAHAGI sa NilaYan (Nilay-Ugnayan sa Wawa, Balagtas, Bulacan): Ang bagong panukat ng mataas na presyo ay tuwing may “emergency” sa bahay o sa pamilya. Sa biglaang pangangailangan sa ospital, presinto, atbp., ang kailangan ay P10,000, maging ito’y nasa bulsa o impok. Pero, hindi lahat ng nasa umpukan ay may itinabing P10,000.
***
PANALANGIN: O Jesus, ipinapanalangin ko sa Iyo ang mga paring nahaharap sa pagsubok at tukso. Fr. Mar Ladra, ng Healing Eucharist, na itinataguyod ng Philippine Daily Inquirer.
***
MULA sa bayan (0916-5401958): Ano na ba ang nangyari sa kaso ni Trillanes sa Davao City? …2780, Toril, DC

The post Tinatamad na mga pari appeared first on Bandera.

‘Pinuno for president!’

$
0
0

ANO ang pinagmulan ng inyong alitan? Hindi ba’t ang masasamang nasa na namumugad sa bawat isa? Meron kayong minimithi pero hindi makamtan. Iyan ang Pagninilay sa Unang Pagbasa sa Ebanghelyo (Santiago 4:1-10; Salmo 55:7-11, 23; Marcos 9:30-37) sa kapistahan ni Santa Walburga, Martes sa ikapitong linggo ng taon.
-o-o-
Inabutan ang live coverage sa Laug, Mexico, Pampanga. Dumami ang tao sa harap ng flat screen nang mahagip si Pinuno. “Magsasalita yan,” anang nananabako. Nagtagisan na ng kaalaman ang marurunong, ilan ay kilalang tuso, pero tila wala pa ang tiyempo ni Pinuno. Maya-maya’y panudyong pinansin ang kanyang presensiya at pinagdudahan pa kung sisingit at magsasalita ang salat sa pinag-aralan. Apuhap ang pananalita ng marurunong, na tila maingat na di makanti’t marungisan ang Dambuhala.
-o-o-
Pero, sa harap ng gumigiling na kamera, parang kidlat na gumuhit ang nagngangalit, “Kaya po ba kayo nahihirapang kumuha ng franchise ay dahil galit sa inyo ang Pangulo!?!” “Fearlessly thrown. The ony senator who had the guts,” anang isang nakapamburol sa gallery. Nagkutis suka ang panig ng Dambuhala. Interesado ba ang nasa harap ng flat screen sa prangkisa na sila mismo ay di naiintindihan kung anong klaseng dumi ng kalabaw ito sa parang sa labas ng bintana na di na hagip ng usok ng tabako?
-o-o-
Malinaw na hindi nakinabang ang Dambuhala sa tanong ni Pinuno. Pero, nakinabang si Pinuno sa Dambuhala kaya nga siya nanalo at di na ginamit ang maalamat na Leon Guerrero. Paanong pabor sa interes ng nananabako ang prangkisa ng Dambuhala gayung siya at mga manananim at mangingisda ay di uunahin ang pagsubaybay sa paikut-ikot na istorya ng pakikiapid at mas nanaisin pang nasa bukid at palaisdaan para may makain ang pamilya? Ayaw nga nilang subaybayan ang syoke dahil bukod sa hindi na siya nakatatawa ay nakasusuka pa ang panunudyo.
-o-o-
Sa ilang nakauunawa sa isyu, nakapagtatakang ibinabandeha ang Dambuhala bilang api. Hindi mailibing sa limot ng Kapampangan ang pandudusta’t pang-aapi ng Dambuhala sa kababayang si Gloria Macapagal, anak ni Dadong pobre ng Lubao, lalo na ang coverage noong siya’y nasa Veterans pa. Malaking negosyo ang tangan ng Dambuhala na kahit ipaliwanag ng ekonomistang GMA ay di mauunawaan, kailan man, ng magtotolda’t magkukumot ng Mexico. Malinaw na hindi sila naserbisyuhan ng nagyayabang, na tila ibinababa na ng divino.
-o-o-
Ang ipinagtataka ng masisipag na taga-Laug ay bakit kung sino pa ang Dambuhala ay iyon pa ang ipinaglalaban nang patayan ng pulot? Samantalang ang mahihirap dito ay deka-dekada para makaahon sa pakikipagsapalaran sa tela, tolda, kumot, banig at palay, na paubos na; nang walang kusang tulong at kalinga ng mapanlinlang na matatalinong senador. Ilubog man sila ng matagal na baha ng habagat at bagyo ay wala silang tinatanggap na saklolo. Paano nakapaglingkod ang mga senador at Dambuhala, na ipinagmamalaking 60 taon na raw nagseserbisyo? Freedom of expression? Para sa mahihirap dito, hindi nakakain yan. Pinuno for president, sigaw ng taga-Laug.
-o-o-
“…dahil galit sa inyo ang Pangulo?” Sa Davao City, ang pinanggalingan ng minaliit na mayor, ang atraso ay atraso. Basta atraso, atraso yan. Hindi ba nauunawaan ang damdamin ng alkalde sa lalawigan na minaliit at inapi ng Dambuhala? Kung nagbabasa’t nag-aaral ng Ebanghelyo ang Dambuhala, madalas sambitin ng Unang Pagbasa, Salmo, Ikalawang Pagbasa at mismong ang Ebanghelyo na huwag apihin ang maliliit. Buong taon ng pag-aaral sa ilalim ng mga liturhiya. Katoliko pa man ding naturingan. Ang maliit ay itinataas; ang nasa itaas ay ibinabagsak; ang gulong ng buhay.
-o-o-
Nais ng mga residente ng bayan ng Senator Ninoy Aquino sa Sultan Kudarat na palitan na ang pangalan ng kanilang tinubuan. Marami na silang naririnig at nababasa hinggil sa masasamang ginawa ni Ninoy Aquino. Hindi nila kilala si Aquino, pero ito ang isinalaksak sa kanilang kaalaman. Nais nilang pangalanan ang bayan sa mga Moro na nagtanggol sa kanila at namuhay nang malinis at makatao.
-o-o-
UST (Usaping Senior sa Talakayan sa San Vicente, Malolos City, Bulacan): Biliko. Bilmoko. Tila hindi na angkop sa matatanda. Tama na ang shopping, lalo na kung may biyaya na. Tama na ang buying kahit kaya pang bitbitin ang dalawang bayong. Ilan pa ba ang kailangan mo? Marami pa bang kulang? Ah, oo nga pala. Marami pang bibilhin ang senior para sa apo. Marami pang kailangan na maintenance. Di na kailangan ang materyal sa pagtanda.
-o-o-
PAGBABAHAGI sa NilaYan (Santo Nino, Malolos City, Bulacan): Tanyag ang pook na ito sa mga nagpapakasal, lalo na sa simbahan. Pero, malaki na ang ipinagbago ng panahon. Nababawasan na rin ang bilang ng mga nagpapakasal. Ito na nga ba ang bagong kalakaran? Henerasyon? Ayaw na ba nila ang basbas ng banal na espiritu? Ang ayaw sa simbahan ay kalayaang ibinigay ng anak ng Diyos. Huwag abusuhin ang kalayaang ito.
delayed and declining marriage.
-o-o-
PANALANGIN: Tulungan Mo kaming talikuran ang pagkamakasarili at turuan Mo kami sa hangarin para sa mamamayan. Fr. Mar Ladra, ng Healing Eucharist, na itinataguyod ng Philippine Daily Inquirer.
-o-o-
MULA sa bayan (0916-5401958): Kailangan namin ng puhunan sa pagtitinda. …4356, Bongabong, Davao de Oro

The post ‘Pinuno for president!’ appeared first on Bandera.

Covid-19: Uod lang tayo

$
0
0

INILIGTAS Niya ang nasisiraan ng loob dahil batid Niya ang pangangailangan ng lahat. Humingi ng kagalingan; ito’y tanda ng pagpapakumbaba. Iyan ang Pagninilay sa Ebanghelyo (Is 55:10-11; Sal 34:4-7, 16-19; Mt 6:7-15) sa araw ni Santa Catalina Drexel, Martes sa unang linggo ng kuwaresma.
***
Hanggang kagabi, tanging ang Pinas (ang tanging bansang Katoliko sa Asya) na lamang ang patuloy na inililigtas ng Divino laban sa nakamamatay na Covid-19.
Kahit marami nang ipinatutupad na pagbabawal ang kapulungan ng mga obispo sa Intramuros, at ang iba’y nilalabag din naman sa maliliit na parokya sa mga lalawigan, dagsa pa rin sa mga Misa ang madla, lalo na sa mga Misa ng Pagpapagaling (Healing Masses), sa National Shrine of the Divine Mercy, National Shrine of St. Anne, sa St. Jansen Hall sa Christ The King, National Shrine of the Sacred Heart of Jesus, National Shrine of Our Lady of Lourdes, National Shrine of Our Lady of Fatima, National Shrine of St. Padre Pio, atbp.
***
Ni sintomas ng Covid-19 ay wala. Ang marubdob na pagtawag at pananampalataya ay kapuna-puna hindi lamang ngayong may banta ng Covid-19.
Sa nakatatakot at tila di maiiwasang Covid-19, kalamidad, lindol at pagputok ng bulkan, ipinaaalala na tayong lahat ay maliliit lamang at walang puwersa, mayaman man o mahirap, makapangyarihang politiko man o payak, tulad ng balo na naghulog ng kalansing sa buslutan sa sinagoga.
Ang pangamba ay nagpapaalala rin na tayo’y marurupok, pangulo man o Santo Padre. Ang tanging kalasag na lamang ay ang pagdarasal, at paglikas; dahil ang dasal ay walang bisa kung walang gawa.
***
Bagaman walang tatalo sa pagtawag sa Espiritu Santo na punuin Niya tayo ng lakas at pumasok sa puso ng lahat upang maunawaan at tanggapin bilang pasya ng Diyos ang mga nagaganap ngayon, sa bansa man o sa labas, ang pagtatalaga at pagpapaubaya sa Berbo sa ating buhay ngayon at bukas ang mas lalong nagpapatatag ng ating pananalig (iligtas Mo ako? Mali. Paano yung iba?).
Kaya ba ng mga kaka (kapamilya’t kapuso) sa Pinas ang nagaganap sa China, Italy, Iran at South Korea? Di ba kamangha-mangha na tayo’y matatag at wala sa krisis? Di ba tayo’y pinagpala pa rin?
***
Ang pagpapala ay sukli sa marami at kanya-kanyang nobena ng mga, hanggang ngayon, ay naniniwala’t nananalig pa rin sa Santatlo.
Sa dambana ng Birhen ng Lourdes sa Cabetican, Bacolor, Pampanga, ang nobena sa Mapagpagaling na Puso ni Jesus ay nagpapatuloy para sa mga may trangkaso, na sa China’y Covid-19 na; nobena sa Mahal na Birhen ng Fatina, na ang mga pinagpakitaang mga bata na sina Jacinta at Francisco Marto ay namatay sa trangkaso; sa Divine Mercy sa Santa Rosa 1, Marilao, Bulacan; Santo Padre Pio sa Santo Tomas, Batangas; San Pedro Apostol, patron ng mga nilalagnat; Birhen ng Manaoag sa Pangasinan; Santa Faustina ng Divine Mercy; San Roque, patron ng nakahahawang mga sakit; San Camilo, na ang parokya ay malapit sa editorial ng Inquirer Bandera; San Martin de Porres, ang nagpapagaling ng mga sakit na nakuha sa mga biyahe; Birhen ng Lourdes (Retiro, Santa Mesa Heights, QC), na ang pinagpakitaang si Santa Bernadette Soubirous ay namatay sa sakit sa baga, tulad ng tinamaan ng Covid-19; San Blas, ang nakapipigil ng virus simula pa lamang sa lalamunan; at San Hudas Tadeo.
Kami’y uod lamang, na sa lupa’y gumagapang. Mahal na Birheng Maria, kung hindi mo tutulungan, ano ang aming kinabukasan?
***
Sa Athletes Village sa Capas, Tarlac, nabawasan ang bilang ng mga may hinihinalang Covid-19. Sa mga silid ng mga na-quarantine, nagdasal ang mga Katoliko at mga kaanib sa ilang sekta.
Sa cruise ship pa lamang ay nagdarasal na sila. Walang Katoliko, walang sekta, walang Muslim. Kanya-kanyang dasal at kanya-kanyang tinatawag. Sa taon ng Katoliko, ang 2020 ay ekumenismo’t interelihiyosong diyalogo.
Ito’y pagkakaisa ng mga Kristiyano’t pagkakasundo ng mga mananampalataya. Nagkataon? O itinakda ng Divino?
***
UST (Usaping Senior sa Talakayan sa Duhat, Bocaue, Bulacan): Sa work group sa isang talakayan, hiniling sa matatanda na ilista ang tatlong pangunahing ambisyon noong sila’y bata pa; at isang ambisyon ngayong sila’y matanda na. Mahigit sa kalahati ang sablay ang mga ambisyon. Iilan ang nakamit ang ambisyon. Sa ambisyon sa pagtanda, bokya. Wala nang naghangad ng kahon at wala na ring naghangad ng pera. Mali ang kasabihang di madadala sa hukay ang kahon at pera. Ang tama: di susunod sa hukay ang kahon at pera.
***
PAGBABAHAGI sa NilaYan (Batia, Bocaue, Bulacan): Kalabisan na ang pagsamba sa gadgets. Sa grupo ng estudyante’t mid-professionals, malinaw ang kakulangan sa kaalaman sa Ingles at Balarila. Malabo rin ang pagkaunawa sa binasang Ingles at ilang talata ng Florante At Laura. Dito pa lang ay may problema na. Paano pa sa buong bansa?
***
PANALANGIN: Ama naming mapagmahal, katulad ng buhay, ang kalusugan ng katawan ay biyayang kaloob Mo. Fr. Mar Ladra, ng Healing Eucharist, na itinataguyod ng Philippine Daily Inquirer.
***
MULA sa bayan (0916-5401958): Ang sabi sa media, nabawasan na ang presyo ng LPG. Dito, hindi pa. Bakit? …4578, Mintal, DC

The post Covid-19: Uod lang tayo appeared first on Bandera.

Diborsyo kina Maria, Jose

$
0
0

HUWAG manghusga. Di lahat diborsyo ang lunas. Baka ang kailangan lang ay konting habag at hindi babag. Huwag humatol para di hatulan. Iyan ang Pagninilay sa Ebanghelyo (Dn 9:4-10; Sal 79:8-9, 11, 13; Lc 6:36-38) sa Kapistahan ni Santa Francisca Romana, Lunes sa ikalawang linggo ng kuwaresma.
***
Bakit walang politiko o mayamang Katoliko ang tumulad sa payak na buhay at tapat na pagmamahalan nina San Jose at Birhen Maria? Dahil ba wala na silang paggalang sa makalangit at malinis? Pero sa aba ay marami pa rin ang tumutulad kina Jose at Maria. Isa na ang mga magulang ng kura ng isang pambansang dambana, na kilala sa buong mundo, sa teritoryo ng Diocese of Malolos. Ang pagmamahalan nila ay wagas dahil nang bawiin ang hiram na buhay ni Teresa noong Agosto ay itinakda naman si Francisco noong Nobyembre ng sukob na taon. Ilog ang luha pero ang anak na pari ay nalugod sa pasya ng Divino Berbo.
***
Mahirap bang tularan ng mag-asawa ang mahusay na pagsasama nina Jose at Maria, kaya’t ang bawat mahal na grasya ay di lumayo sa dalawang banal? “Nguni’t ang palaaway, mapagtalo gabi’t araw, punong kinapopootan, tuloy ikinapaparam, grasyang kamahal-mahalan.” Bakit ayaw tularan, ang simpleng panuntunan, nina Jose at Maria; ang maging sunud-sunuran sa isa’t isa at ang palaging pagbibigayan para sa matimtimang tahanan? Kapag pinairal ang asal, di nga matatamo ang tuwa ng Paraiso.
***
Paano didiborsyohin ang kasal sa banig, na siyang talamak na kasunduan ngayon, lalo na sa resettlement areas at iskwater? Sa mga bundok ng Sierra Madre, kabilang na ang Dona Remedios Trinidad, Bulacan, umiiral ang kasal sa riple (M16), madali ang hiwalayan at pinapayagan ang ikalawa, ikatlo, ikaapat, atbp, na kasal sa riple kapag itinaas na ni kumander ang nakakuyom na kamao, sa saliw ng Internationale.
***
“Everyone deserves another chance in pursuing a life of their own,” anang mambabatas na atat na sa divorce. Marami namang pagkakataon sa buhay. Sa malayang pamumuhay na iginawad at kinikilala ng simbahan, puwede ang dalawa, tatlo, apat…10, 11,12… diborsyo. Masaya ka na dahil nakarami ng diborsyo? Naging ganid sa diborsyo? Anong katinuan at moralidad ang ipapamana sa mga bata, ang tutularan ng balana? Sa pagdinig sa Kamara, niluto ang putahe: isa lang (daw) ang kinumbidang grupo na tutol. Mahigit 10,000 ang grupo sa simbahang Katolika na ayaw sa diborsyo. Lutong macau. Putaheng laman.
***
Mas malaya ang mga patakaran sa diborsyo noong panahon nina Jose at Maria, sa ilalim ng batas at Bibliang Hebreo. Pero, mas pinili ng dalawang banal ang mamuhay sa lilim ng tunay at banal na pagmamahalan. Nang malaman ni Jose na buntis na si Maria gayung hindi pa niya ito sinisipingan, hindi diborsyo ang binalak ng anluwagi, kundi ang layuan na lamang siya para iwasan ang kahihiyan (pero namagitan ang anghel sa panaginip). Hayan ang iningatang pag-ibig.
***
Ang binabalangkas na mga batayan ng absolute divorce:
• Kung ang mag-asawa ay hiwalay na ng limang taon. Mga taon nang hiwalay? Sanlinggo nga lang yan sa iskwater at resettlement areas.
• Psychological incapacity. Kathang isip lang yan sa iskwater at resettlement areas. Eksperto sa ganyang drawing ang mga abogado.
-o-o-
• Nagpalit ng ari si lalaki at naging vagina. Ma-Pa yan sa iskwater at resettlement areas.
• Irreconcilable differences. Hiwalay agad yan sa iskwater at resettlemt areas. Hindi naman sila kasal, nu.
• Nakakuha ng foreign divorce. Walang ganyan sa iskwater at resettlement areas.
• Ang kasal ay ipinawalang bisa ng simbahan, sekta o denominasyon. Kasal banig nga, kaya walang kasal na lulusawin.
• Bugbugan. Sa iskwater at resettlement areas, ora mismo o bukas na bukas din, hiwalay na. Wala pang gastos.
***
“A six-month mandatory cooling-off period is required after a petition for divorce has been filed.” Ang tagal naman. Di na makapaghihintay ang na-trauma sa iskwater at resettlement areas. Ang ipinakikita nito ay umalis na sa kabanalan ang nagsasama; o kundi’y nagkulang ang simbahan sa pagpapastol. O kundi’y mas pinili nila ang pagsasama na nais ng demonyo. Malaya sila at ipinauubaya rin ng Diyos ang ganyang kalayaan, basta hapi sila.
***
UST (Usaping Senior sa Talakayan sa Panginay, Balagtas, Bulacan): Pinaghandaan ba ang pagtanda? Sa talakayan, may mga hindi naghanda dahil malayo pa raw ang edad-60; o kundi’y walang kakayahan dahil dukha lang; o kundi’y bahala na si batman. Ang kalagitnaang edad ay 30-35; 40 kung tatawad dahil aabot pa raw sila ng 80. Iniasa naman ang bukas sa anak, na nang tumanda ay nagkahiwalay naman sila ng landas; kaya kabilang siya sa SoLo (Solong Lolo). O SoLa. Masakit ang pagtanda kung walang pera. Mas masakit kung iniwan na ang Diyos at iniwan na rin siya ng Diyos dahil sa kalayaang pinili.
***
PAGBABAHAGI sa NilaYan (Longos, Balagtas, Bulacan): Mahirap ang buhay. Napakahirap pa nga raw. Kung mahirap at napakahirap, bakit buhay pa? Nakayayao’t nasa mall pa, kahit nagsalo lamang sa budget meal ang dalawa. Kung kayang tugunan ang kahirapan at nakagagawa pa ng paraan nang walang nilalabag na batas ng tao’t Diyos, ang tawag diyan ay improvement. Hindi porke’t mahirap ay tatanggapin na lang ang dumadaang lugmok. Hindi hard life yan; baka tough life. Sa tough life, diyan nakararaos ang Pinoy.
***
PANALANGIN: Santa Maria, ingatan mo ang aking pamilya. Ipagsanggalang kami sa mga kalaban. Fr. Mar Ladra, ng Healing Eucharist, na itinataguyod ng Philippine Daily Inquirer.
***
MULA sa bayan (0916-5401958): Kung ako yung guwardiya ng Greenhills, gagawin ko rin iyon. Wala na bang karapatan ang guwardiya na magsalita sa publiko? …3289, Rimando High School, Maco, Davao de Oro.

The post Diborsyo kina Maria, Jose appeared first on Bandera.

Aquinos burahin sa P500

$
0
0

HINDI ka pa ba natatauhan sa kapalpakan ng gobyerno sa pamumuhay? Huwag patawarin ang kanilang kasalanan. Iyan ang Pagsasagawa sa Ebanghelyo (Mik 7:14-15, 18-20; Sal 103:1-4, 9-12; Lc 15:1-3) sa araw ni Santa Matilda, Sabado sa ikalawang linggo ng taon.

***

“Sino ang nakalarawan dito, na narito rin ang kanyang pangalan? Sumagot sila: Ang Cesar. At sinabi Niya sa kanila: Kung gayon, ibigay kay Cesar ang para kay Cesar, at sa Diyos ang para sa Diyos.” Mt 22:20. Nagalit ang ilang nakapila sa kahera sa isang ospital sa North Caloocan habang naka-community quarantine na ang Metro Manila bunsod ng Covid-19. Bukod sa ngalit sa Covid, nakangiti pa sa kanila sina Corazon Aquino at Benigno Simeon Aquino III sa P500 pera. Iniinsulto tayong mahihirap ng ngiti ng mag-inang Aquino, ang dalawang salot sa pamumuno ng Pinas. Si Corazon ang presidenteng iniluklok ng nag-alsang militar, sa pangunguna nina Enrile’t Ramos. Pekeng presidente. Si Benigno naman ang nagpatalsik, kaya namatay, kay Chief Justice Renato Corona, na “nagbabalik” bilang virus; at nagpakulong kay Gloria Macapagal Arroyo.

***

Kay Cesar, kay Cesar. Ibigay sa nga Aquino ang para sa kanila? At sa Diyos ang para sa Diyos. May dugo ang kamay ng mga Aquino sa Mendiola at Luisita massacres. Wala pang hustisya ang mga nabalo’t naulila. Ngingitian lang ng mga Aquino? Ang dalawang Aquino ay aso ng Kano, na hindi naman talaga sila tinulungan bagkus ay inonse pa. Ang pakikialam ng Clark sa kudeta kay Corazon noong Disyembre 1989 ay para protektahan ang malalaking base militar ng Kano, na di napigilan ni Cory na mapatalsik nang magpasya ang kanyang mga galamay sa Senado (pero ang VFA ay inilagay ni Benigno, na di naman siya tinulungan sa Kalburo ng mangingisdang Ilokano’t Panga sinense).

***

Sa pananalasa ng Covid-19, nakiayon ang simbahang Katolika, pero di naman sinunod ang karamihang “bawal” sa mga parokya’t kapilya sa mga lalawigan (tulad ng Aurora’t northeastern Bulacan). Walang masabi sa mga ginawa ni Duterte ang mahihirap pero minumura nila si Duque. Anong virtud ba meron si Duque na wala ang magagaling na sina doctors Leachon at (Willie) Ong? Hasler ang tingin ng matitino kay Duque, na kayang “maglingkod” sa sinumang presidente, tsonggo man o kalapati. Maging ang kasong kriminal na Dengvaxia ay nahihiya kay Duque.

***

Maraming mahihirap ang natataranta sa Covid-19. Pero, ayaw naman nilang aminin na ang “taranta” ay bunsod ng kanilang katangahan sa balita: ayaw makinig sa radyo, manood ng news TV at magbasa ng Inquirer Bandera, at iba pang pahayagan, tab o broad. Malinaw pa sa sabaw ng tinolang manok na nataranta si Duque sa pananalasa ngayon ng Covid-19. Pero, malabo naman sa sabaw ng pusit ang kanyang mga pahayag, na tila ginaya lang ang Dengvaxia declarations sa Senado’t Kamara. Mas masipag pa sana si Duque ngayon, kesa noon. Pero, di ba nakahahalata si Duterte na pinaiikutan na lang siya ng bisero?

***

Bakit kapag sikat(chupoy) ang nagka-Covid ay nasa media agad at ang mahihirap na nasa iskwater at resettlement areas ay hindi inilalathala kahit blind item man lamang? Nakadidiri ba ang nasa iskwater at resettlement areas, gayung wala naman silang ketong na hindi pinandirihan ni Jesus? Bakit kapag superyaman at tanyag sa politika ay itinatago na parang may tulo, gayung bumuyangyang naman si Kris? News ba talaga ang Covid-19 at hindi news ang tinamaan nito? Privacy? Bakit si Tom Hanks?

***

Sa mga liblib na lugar sa Dilasag, Aurora, hindi natatakot ang mahihirap sa trangkaso Covid. Kaya nila ito dahil mas maraming gulay ang kanilang kinakain araw-araw. At mag-uulam lamang ng karne kapag may okasyon. Pero, unti-unting nawawala ang karneng baka. Okey lang naman daw dahil kung may malaking problema ang Metro Manila, ligtas pa rin sila sa simple at payak na pamumuhay.

*** UST (Usaping Senior sa Talakayan sa Encanto, Angat, Bulacan): Kapag matanda na ay di na kasali sa pag-aaral? Mali. Ang pag-aaral ay patuloy na edukasyon at walang edukasyon kapag di na ipinagpatuloy ito.

Kaya nga maraming matatanda ay tanga. Di na mahirap ang mag-aral ngayon dahil may mga lokasyon sa Internet na hayagang nag-aalok ng kaalaman, sa ayaw man at sa gusto ni lelong. Bakit maraming kabataan ang nag-aaral ng paggawa ng bomba?

***

PAGBABAHAGI sa NilaYan (San Roque, Angat, Bulacan): Kahit mahihirap ay may gadget o laptop. Hindi pala sila naghihirap. Pero, mahihirap ang tagarito. Magsasaka. Driver, atbp. Hindi na ngayon. Nakatutuwa na ang maliliit ay malalaki’t mayayaman na rin sa makabagong tech at Internet. Ayon sa umpukan, naibsan na ang kahinaan ng mahihirap at may sumisikat na blogger na rin mula rito. May naipagyayabang na ang mahihirap dito. Pero, ang di magandang kaakibat: ginagamit ang social media sa tsismisan. High tech na nga.

***

PANALANGIN: Tulungan Mo akong umiwas sa lahat ng labis at di makabubuti sa aking kalusugan. Fr. Mar Ladra, ng Healing Eucharist, na itinataguyod ng Philippine Daily Inquirer.

***

MULA sa bayan (0916-5401958): Noong bata pa kami, gusto naming magpunta sa Maynila. Ngayon, ayaw na namin. May sakit din dito, kukuha pa kami ng sakit sa Maynila? …7860, ng Bongabong, Pantukan, Davao de Oro

 

 

The post Aquinos burahin sa P500 appeared first on Bandera.

Iwasan, toxic person(s)

$
0
0

IYAN ang maigsing Pagninilay sa Ebanghelyo (1 Jn 1:5, 1 Jn 2:2; Sal 124:2-5, 7-8; Mt 2:13-18) sa Kapistahan ng martir na mga Sanggol na Walang Kamalayan. Toxic people ang turan ng mangangaral na Bo Sanchez dahil isinama na niya ang mga toxic sa Bagong Dekada. Pero sa Ebanghelyo, isa lang ang turan: ang napakataas ang tingin sa sarili na nilamon na ng galit.
***
Kung may toxic noon, dumami nga sila ngayon. Mangyayari uli ang nangyari noong una; gagawin uli ang ginawa na noon — walang bago sa ilalim ng araw (Ecc 1:9). May mga mata sa kanyang ulo ang marunong; samantalang naglalakad naman sa dilim ang hangal (Ecc 2:14). Hindi sila magkaiba at pareho lang, sa Bagong Dekada. Mamamayagpag, magpapatuloy nang may bagong sigla.
***
Dahil uusad na ang mga kaso sa mga obispo, bubuhayin muli ang panlulugmok kay Duterte. Mas pinag-isipan ito at kaiba sa paninindigan ng CBCP noong 1985. Bago iluklok si Cory ni JPE, ang apela ng mga obispo sa mga Katoliko ay ibinase sa religious sentiments at hindi sa katuwiran at kaisipan. Sa halalang nagdaan, katuwiran at kaisipan laban kay Duterte ang ginamit at hindi ang nalalaman at kasanayan ng mga kandidato. Talo ang Otso. EJK? Basyong bala na lang yan at balik-Amerika.
***
Susugal muli ang ilang obispo (hindi ang buong CBCP) kung paano gisingin ang oposisyon. Pero, ang problema, ilan sa kanila ay mga “emeritus” na at kung may kumupkop na diocese ay hindi naman all-out ang suporta sa kanila. Ilang kongregasyon ng madre ang pinasabihan na, pero isa lang ang matapang sa demanda at ang pagkilos ay sa bangketa na lang. Hindi pa kasama rito kung makahahatak sila ng suporta sa mahihirap, sa taumbayan.
***
Maaaring makakuha ng dagdag “bala” ang matatandang obispo sa ipasasarang network, na ang payo nga ni Duterte ay “…ipagbili na ninyo ‘yan. Kasi ang Pilipino ngayon lang makaganti sa inyong kalokohan.” Pero, nag-iisip ang network. Hindi confrontational ang ginawa ng dalawang oligarko na may hawak ng tubig, pero sa ilalim ay dumadaloy ang kanilang gagawin. Napakaraming bala na nga ito laban kay Duterte.
***
Hindi mag-uumpisa sa taon ito ang bakbakan. Magpapatuloy ito hanggang 2022, eleksyon. Kailangang madurog ang lider ng bagong imperyo dahil kapag nanatili ang impluwensiya’t poder, wala nang buhay ang mga nawala sa puwesto. Sa tagal ng dadaang panahon, wala nang makaaalala sa mga Aquino. Para sa kalaban, hindi maiiwasan ang isang toxic. Kung alam lang nila ang pamamahala sa Davao City, ang mga dating kalaban ay kakampi na ng Imperyo — para lamang mabuhay ng payapa at masagana. Ang tanong nga sa Ingles: Where can they find a new start?
***
Magiging madugo ang banggaang Duterte at simbahan. Sa umpisa ng bagong dekada, muling palalakasin ang kontrobersiya sa sinasabing predator priests, na kailanman ay hindi nasalag ng simbahan sa Pinas at ng maging Vatican. Epektibong bala ito ni Duterte sa umano’y panghihimasok ng simbahan sa kanyang pamamalakad. Maging si Pope Francis ay wala na ngang mabagawa sa isyu ng predator priests, kundi buksan ang mga bagong kaso sa kaalaman ng publiko at iagawad ang parusang kanoniko. Ayon sa Talaarawan 1107 ni Santa Faustina, “it is up to us whether we receive God’s grace or not. It is up to us whether we will cooperate with it or waste it.”
***
Nasaan ang mga trapo ng Sorsogon? Lugmok ang mahihirap sa dalawang bagyo. Ang Sorsogon ay parang Eastern Samar na rin. Hindi na makaaalis sa kahirapan ang mahihirap. Nakita ko ang pangangaroling sa mga simbang gabi ng mga semenarista para lamang makabili ng yero sa may 10 simbahan, at mabubungan na rin ang kanilang mga seminaryo. Umuwi silang nakakalap ng sapat na halaga. Pero, walang nangangalap ng tulong at pera para sa mahihirap ng Sorsogon. Mayaman lang ang lalawigan sa politiko’t NPA (meron naman daw cute trapo. Cute din ang tulong).
***
UST (Usaping Senior sa Talakayan sa Poblacion 1st, San Jose del Monte City, Bulacan): Mas marami pa rin ang mga lalaking senior na namumuno sa mga organisasyon, kabilang na ang market stall holders, kesa babaeng senior. Maaaring mas malakas ang mga lalaking senior kesa babae, o kundi’y bawas na sa “ikot” ang mga babae. Mas gusto ng mga senior citizens na kumikilos sila o may pinagkakaabalahan sa barangay, mga kapilya’t parokya. Ang paglawig ng edad ng mga senior ay malaking biyaya ng langit, na siya namang ikinaiinis ng ilang tindahan o establisimento dahil kailangang may discounts sila. Dahil sa dami ng senior, kulang ang sinehan.
***
PAGBABAHAGI sa NilaYan (Nilay-Ugnayan sa Sapang Palay Proper, San Jose del Monte City, Bulacan): Bagaman di pa maituturing na magulo ang paligid, ilan sa mga naunang residente ang nananawagan ng disiplinang Marcos. Maingay na at makalat ang dating paraiso na ang relocatee family mula sa iskwater sa Metro Manila ay binigyan ng 1,000 square meters. Salamat Imelda, anila. Sadyang ganoon nga kaya, na kasama ng kaunlaran ay ingay at kalat. O kawalan ng disiplina.
***
PANALANGIN: Alisin Mo sa puso ang galit at masasamang hangarin. Fr. Mar Ladra, ng Healing Eucharist, na itinataguyod ng Philippine Daily Inquirer.
***
MULA sa bayan (0916-5401958): Nasaan ang sinasabing murang bigas dito? …3489, Araibo, Davao de Oro•

The post Iwasan, toxic person(s) appeared first on Bandera.


Tama si VP, palpak nga

$
0
0

Pagbasa sa Ebanghelyo (1 Jn 3:22, 4:6; Sal 2:7-8, 10-12; Mt 4:12-17, 23-25 ) sa kapistahan ni San Andres Besette, Lunes kasunod ng pagpapakita ng Panginoon.
***
Hindi palpak ang giyera ni Duterte kontra droga. Nag-iisa si VP sa nagsabing palpak ito. Ang mayorya ay sumusuporta na kay Duterte dahil nawala, lumayas o nakakulong na ang demonyong mga adik at tulak. Napakaraming demonyo at hindi sila maubus-ubos, kaya patuloy pa rin ang mga operasyon ng pulis at PDEA kontra droga. Wala na ngang nagdadalamhati sa pagkamatay ng mga adik at tulak, lalo na sa North Caloocan. Hindi na sila bumubulagta sa Bagong Silang at Camarin at sinasalubong na lang sila ng bala pagtawid sa San Jose del Monte City, Bulacan (salamat sa mga pulis ni Col. Castil).
***
Insanity is doing the same thing over and over again, but expecting different results, anang kasabihan. Patuloy pa rin sa panlilinlang si VP at ang malaking kasalanang iyan ay kinondena noon pa mang panahon ng Lumang Tipan at termino ng mga Ebanghelista. Para sa mga mananampalatayang Katoliko, di sila mabibitag ng panlilinlang ni VP dahil ang kanyang mga pahayag ay di kumikilala sa katotohanan at mas lalong di kumikilala sa Diyos base sa tudling ni San Juan apostol. Panahon pa naman ng pagpapakita ng Panginoon pero iba ang udlot na pagpapakita ni VP sa droga, na noon pa sanang bago magpascua.
***
Sa aking panayam noon kay PC Narcom chief Gen. Ramon Montano bago mag-EDSA breakaway (hindi ko isinulat na “revolution” ang aking kinoberan noon dahil wala naman talagang himagsikang sumiklab kundi ang repeke ng dila ni Cardinal Sin), ipinaliwanag niya na walang permanenteng numero (estadistika) sa kampanya kontra droga. Araw-araw ay nagbabago ang numero ng mga sindikato’t sugapa (para kay Montano, hanggang naroon sila, durugin; hanggang may marijuana, sunugin). Marahil, ito ang pagkakamali ng PDEG (PNP Drug Enforcement Group).
***
Ang numero ng PDEG ang ginamit ni VP para tawaging palpak ang gera kontra droga ni Duterte. Hindi na-update ng PDEG ang numero at ito rin ang reference ng PDEA. May problema rito ang PDEG at dapat sabunin bago sibakin ni Duterte ang mga natulog sa pansitan. Pero, ang napabayaang numero ng PDEG ay hibla lamang sa ulat ni VP dahil ang pangkalahatang estadistika ay mula sa DILG, lalo na ang post incident evaluation, na lumaya na ang maraming barangay sa kuko ng droga.
***
Sige. Sabihing tama si VP na palpak nga ang gera ni Duterte kontra droga. Palpak dahil hindi isinama ni Duterte sa kanyang listahan ang nakalipas na pangulo, DILG secretary, narco generals, atbp., ang siyang nagpalala ng problema sa droga, na ipinasa lang kay Duterte. Kilala at malapit si VP sa mga ito. Silang lahat ay nasa ilalim ng malawak na payong ng Liberal Party. Hindi rin isinama ni Duterte ang mga network na kontrolado ng LP (ang mga ito ang siyang bumabanat sa kanya at nagtatanggol pa kay Joma). Isa lang ang isinama ni Duterte: Leila de Lima (dahil sa “mabiyayang” lobby sa US, marami na ang kakampi ni D5).
***
Mapurol ang pag-aaral at ulat ni VP sa Duterte drug war. Imposible ang kanyang inaasam. Mahirap na bansa lang ang Pinas at mayaman lang sa dakdak at pambobola. Alam ng lahat, maliban kay VP, na ang makapangyarihang Amerika ay, kailan man, di nagtagumpay sa gera kontra droga, pero kaya niyang patayin ang ikalawang pinakamataas na opisyal ng Iran sa pamamagitan ng precision drone. Walang tapang-Duterte sa Sur America kaya nilamon na ng droga ang Mexico at Colombia. Bagaman hindi nagupo ni Duterte ang sindikato ng droga, ilan sa kanila ay kilalang mga politiko, komunista’t pari, malaki ang ibinawas ng pagkalat ng shabu at araw-araw ay may nasasabat, maliit man o malaki.
***
Kung sa tingin ni VP ay tama ang kanyang pag-aaral, mahihikayat niya ang mayorya ng mamamayan at iiral ang teyorya ni John Locke. Sa ilalim ng kaisipan ni Locke, ang taumbayan ay may karapatang ibagsak ang gobyerno ni Duterte, o ikulong at patayin ang pangulo. Sa kaisipang Locke, karapatan ng taumbayan na magrebelde kontra “despotic and tyrannical government.” Pero, taliwas ang boses ng masa sa mga survey. Paano ngayon yan, VP?
***
UST (Usaping Senior sa Talakayan sa Borol 2nd, Balagtas, Bulacan): Mga nais ng matatanda (hindi ikinahihiya ang edad dito) ngayong taon: normal na kolesterol at angkop na blood pressure. 120/80 ang normal pero ang dumalo sa maliit sa salu-salong pasasalamat ay 130/80. Maraming kondisyon sa salu-salong tinapang hasa-hasa, ensaladang mang•ga (manibalang), pritong itik at bandeha ng prutas na macopa, sinuguelas, duhat, •balimbing at bayabas: walang politika, walang problema sa pamilya at puro lovelife lang (pag malungkot, hindi lovelife yan; puwede rin yung kuwentong amor na bawal).
***
PAGBABAHAGI sa NilaYan (Nilay-Ugnayan sa Wawa, Balagtas, Bulacan): Tila mahirap iwasto, sa maigsing oras ng tulog at paggising, ang pagkakamali (higit ang maraming pagkakamali). Ang mahirap ding iwasto ay ang pakikialam, sa gawain man, pamilya o kapitbahayan. Napakahirap na temang tinalakay sa umpukan ang pagkakamali at pakikialam. Pero, inilulusot (pinagpipilitan) pa rin ang maling nagawa sa ilang pansariling kadahilanan. Sadyang ganoon nga yata; na hindi sinusunod ang utos na patawarin ang nagkasala.
***
PANALANGIN: O makapangyarihang prinsipe San Miguel, tulungan mo kaming mapagtagumpayan ang kasamaan at panlilinlang. Fr. Mar Ladra, ng Healing Eucharist, na itinataguyod ng Philippine Daily Inquirer.
-o-o-
MULA sa bayan (0916-5401958): Pa-simple lang sila. Bumabalik ang droga. Digong, tabang. …1665, Maco, DavOro

The post Tama si VP, palpak nga appeared first on Bandera.

Sex, bulkan, sex

$
0
0

ANO’NG mga sagabal para sa kabutihan? Iyan ang Pagmamasid sa Ebanghelyo (1S1:9-20; 1S2:1, 4-8; Mc 1:21-28) sa kapistahan ni San Felix de Nola, Martes sa unang linggo ng taon.
***
Inabsuwelto raw ng Vatican ang kilalang pari ng pangmomolestiya sa dalawang sakristan. Hindi batid kung sino sa mga opisyal ng Vatican ang nagpawalang-sala sa pari, pero ang dekreto ay nilagdaan ng obispo sa Pinas, na pinaglingkuran ko pa sa nagdaang halalan. Nakagawian na ang ganitong pagdinig na may kinalaman sa sexual abuse ng mga pari ay mananatiling lihim at ni isang pahina ng pagsisiyasat o bista ay hindi ibinubunyag. Pinagpala ang paring inireklamo dahil ang kaso ay isinampa bago pa man hiniling ni Pope Francis na maging bukas at ipagtanggol ang mga biktima.
***
Pinagpala talaga ang paring ito dahil marunong siyang “umespada,” mangalap ng pera sa ngalan ng simbahan, hanggang sa nabuking siya ng malaking negosyante. Hindi siya naging pari rito, pero siya’y Pinoy at nakipagdilatan pa sa isang talk show host para lamang ipadama na siya’y nagsasabi ng katotohanan (ibang tema na naman, at hindi sekswal). Bukod sa ambo ng mga parokya’t kapilya, mistulang pulpito din niya ang ere. Marami ang naniwala’t nagtiwala, bagaman hindi pa panahon ng pagdating ng anti-Kristo. Muntik na siyang makapagmisa para sa mga maysakit sa isang pambansang dambana, pero nakatunog ang kura’t rektor nito kaya…
***
Dahil absuwelto sa kasong laman, ibinalik ang kanyang tungkulin sa healing ministry, sa kondisyong makikipag-ugnayan muna siya sa pamamahala. Pinatawad na rin daw ng pari ang mga sakristan na nag-akusa sa kanya. Pero, bakit niya aakusahan ang mga sakristan na naging sagabal sa kanyang ministriya kung walang poot na sumingaw sa pagitan ng mga bitak?
Hindi ko ginagawa ang mabuti na gusto kong gawin at nagagawa ko ang masamang ayaw kong gawin. Roma 7:19.
***
1976, sa isang press club. Namangha ako sa kayabangan ng isang lasing. Hindi naman masama, aniya, ang magyabang basta’t kaya at walang inaapi. Noong Enero 13, alas-9 n.u., pagkalipas ng 44 taon, inilubog ng abo ng bulkan ang kanyang magandang resthouse. Bigla niyang naalala ang kanyang mga kakilala/kaibigan. Lugmok na siya sa buhay at tanging ang lumang resthouse na lang, na may patabaing mga baboy sa likod-bahay, ang alaala ng kanyang karera, na nagbigay din naman ng malaking biyaya at kasaganaan. Ayon sa mga Ebanghelista, ang mayabang ay ibinababa at ang nasa ibaba ay itinataas.
***
Noong Nob. 2019, dumalo ako sa healing mass sa Parokya ng Birheng Lourdes sa Tagaytay, at sa di kalayuan ay ang magara at mamahaling condo. Marami pang unit ang basyo dahil sa mahal na presyo: P16 milyon sa sahig na wala pang 50 square meters (di pa kasama ang iba pang buwanang gastos kapag nakalipat na). Kung ang bibili ng pinakamaliit na unit ay pangit, magiging guwapo siya dahil sa prestihiyo na dala ng pangalan ng condo. Sige na nga, bumili ka na ng unit na may buhangin ng bulkan.
***
Ang tanyag na pari sa Cebu, Roy Cimagala, ay naniniwala na kailangang pag-usapan na sa publiko ang sex (Sex should not be taboo no more! The Freeman). Aniya, sinasamantala ng demonyo kapag ang tema ng sex ay taboo. Pero, kailangang talakayin ang sex nang may pag-iingat at kaalaman. Ang sex, aniya, ay biyaya ng Diyos. Naalala ko tuloy na ang Bandera ay dinudusta ng mga pari noon dahil sa siyentipikong kolum ni Dr. Margarita Go Singco-Holmes. Maingat at matalino rin naman ang pagtalakay ni Dr. Holmes sa sex at napakarami ang sumubaybay, at naniwala, sa kanya. Sa kabila ng ilang demanda kontra Bandera, walang moralista ang nagdemanda kay Dr. Holmes. Tama si Fr. Cimagala: maingat at maalinong pagtalakay sa temang sex.
***
UST (Usaping Senior sa Talakayan sa Poblacion, Meycauyan, Bulacan): White board ang ginamit sa talakayan, dahil ang tema ay walang mahingan ng libreng hearing aid ang ilang mahihirap na matatanda.
Nahahawa raw sa matatandang bingi ang mga opisyal ng barangay at munisipyo kapag ang itinatanong/hinihingi ay hearing aid. Mahal ang instumentong ito at di kaya ng simbahang Katolika (maraming parokya rito ang kumakalinga sa matatanda, bukod sa ang mismong church workers ay senior din). Ang problema sa pandinig ay nadiskubre nang mag-field work ang mga estudyante ng isang kolehiyo. Bingi na nga ang matatanda, pero mas bingi pa pala ang gobyerno.
***
PAGBABAHAGI sa NilaYan (Nilay-Ugnayan sa Saint Francis, Meycauayan, Bulacan): Isang tanyag na mamamahayag ang namatay kamakailan; nang di man lang naalala ang kanyang katanyagan noon. Hindi siya ang tema ng umpukan kundi kung may makaaalala pa sa kilalang pangalan, sa barangay man o sa bayan, kapag namatay na siya. May nagsabing wala nang pakialam sa kanya ang bagong henerasyon, nakaukit man sa barangay ang kanyang pangalan. May nagsabing dapat ay magpahinga na siya dahil hindi na siya mahalaga sa bagong sibol. Habang may bagong henerasyon taun-taon, mas lalong itinatabi sa limot ang may pangalan. Iyan daw ang buhay ngayon.
***
PANALANGIN: Panginoong Jesus, turuan Mo akong maging kalugud-lugod at maging matibay. Fr. Mar Ladra, ng Healing Eucharist, na itinataguyod ng Philippine Daily Inquirer.
***
MULA sa bayan (0916-5401958): Bakit galit ang mga radio anchors sa Maynila sa Angkas at nakamotor? Dito sa Mindanao, nakatutulong ang riders, lalo na sa liblib. …1882, Pakibato, Davao.

The post Sex, bulkan, sex appeared first on Bandera.

Pang-aapi sa nakamotor

$
0
0

HINDI nilikha ang batas para sa atin. Hindi tayo nilikha para sa batas. Dapat may katarungan ang batas para sa kapakanan ng tao, hindi para sa iilan na makikinabang nito. Iyan ang Pagsasaayos sa Ebanghelyo (1 Sam 16:1-13; Sal 89:20, 21-22, 27-28; Mk 2:23-28) sa paggunita kay Santa Agnes, Martes sa ikalawang linggo ng karaniwang panahon. Sa Pagsasaayos, binibigyan ng pag-asa ang lahat tungo sa maaliwalas na buhay.
***
Patuloy ang pang-aapi ng mga opisyal ng gobyerno’t mga politiko sa mga nakamotor. Nanindigan pa sila na ipahinto na ang paghahanapbuhay ng MC taxis; at wala silang pakialam kung di umabot sa trabaho ang may 100,000 obrero araw-araw, lalo na yung nasa Makati, Pasig, Maynila, Quezon City at South Caloocan. Matindi ang lobby ng malalaking negosyante para ipahinto ang MC taxi, gamit ang lumang batas na di na angkop sa lumalakas na ekonomiya ng Mega Manila. Hindi muna pumopronte sa isyu si Duterte pero ang masidhing pagkilos ni Sen. Bong Go ay patunay na ang administrasyon ay para sa kapakanan ng nakararami at hindi sa mga switik at mapanlinlang.
***
Nakopo na ng aninong sindikato ang mga network, kumaintarista (komentaristang walang kabusugan sa libre at mamahaling pagkain) at bloggers kaya ang kanilang mapanlinlang na opinyon ay kontra riders. Lahat ng kagaspangan sa pagmamaneho ay ipinukol na sa riders, pero wala namang tinukoy ng mga pangalan o kaso. Basta’t makapanira’t makapanlait ay natumbasan na ang materyal na itinapal sa kanilang kaluluwa (wala ngang kaluluwa). Kunwari’y nagpapayo na nakamamatay ang pagmomotor. Di ba’t sinabi sa Ebanghelyo ni San Marcos noong Enero 8 na walang dahilan para matakot ang palaging na kay Kristo? God never abandons a soul. Talaarawan 1315 ni Santa Faustina.
***
Ang pamamagitan ni Go sa sigalot, na ikagugutom ng riders kung natuloy ang panlilinlang, ay patunay ng pagbibigay ng pag-asa para sa maaliwalas na buhay ng nakararami (Pagsasaayos) at hindi ang konti pero maperang impluwensiya ng manlilinlang. Nanindigan si Go na di dapat ipatigil ng DOTr TWG ang pamamasada ng MC taxi (pilot testing) at naniwala ito (TWG) dahil nasa kusina mismo ni Duterte si Go. Tumutulong din sa riders at pasahero si Sen. Grace Poe. Balewala sa manlilinlang at politiko ang aral na sinapit ng anak ni Erap sa eleksyon. Dahil iginiit niya ang lapidang plaka sa harap ng motor, limang milyon boto ang nawala sa kanya. Olatchika.
***
Panlalansi ang sinasabi ng manlilinlang na “high risk of injury and death to riders and passengers” ang motorsiklo. Walang ganoong nangyayari sa MC taxis. Kung pagbabasehan ang news CCTVs, ang kamatayan ng riders at pasahero ay dahil sa matuling pagpapatakbo, bulagaan, semplangan sa kurbada at pagmamaneho nang lasing at naka-shabu. Ang unang rider na aking nakapanayam ay si Onofre D. Corpuz.
Naka-big bike siya at pumapasok sa kanyang tanggapan sa Arroceros, Maynila, sumasampa sa bangketa ng Quezon bridge, tumatalon sa gutter para maabot ang flag-raising ceremony sa DECS. Halos lumipad ang motor si OD pa-Tagaytay para lamang makaabot sa 12 noon conference sa DAP. Nazi helmet pa ang suot ng makisig.
***
Nalinlang at nalason na ang LTFRB ngayon. Maraming kontrobersiya at intriga sa ahensiyang ito dahil sa gabundok na pera, ayon sa progresibong mga tsuper ng jeepney. Halos suntukan na ang labanan ng mga opisyal dito kaya pinalaya ang tapat na si
Aileen Lizada, dating opisyal ng LTFRB. Tila pagod na ang ale sa suntukan at intriga kaya ang ipinayo na lang niya sa TWG ay “rethink (its) decision for the sake of the riding public.” O hangaring masama! Saan ka nanggaling upang palaganapin sa lupa ang panlilinlang? Sirac 37:3
***
Gagamit ng pag-aaral ng Biblia si PNP chief Archie Francisco Gamboa para mapagbago ang tiwaling mga pulis. Sinu-sinong tiwali ang pagbabaguhin mo? Sa PCP? Sa Extension Office? Sa station? Sa City Hall detachment? Sa District? Sa Region? O mismong sa Crame, na mas kabisado mo dahil sa tanggapang kaalaman mo sa comptroller, budget division, bids and awards, secretariat, logistics, directorial staff, atbp? Atty, naghihintay ang bayan at matitinong parak. Mataas ang turan ko sa iyo. Ako’y umaasa na paiiralin mo, lalo na sa North Caloocan, ang Oplan RODY at Oplan RoaDRIVE. Kaya mo ‘to.
***
UST (Usaping Senior sa Talakayan sa Poblacion, Baliwag, Bulacan): Kapag may maintenance medicines at nananalagin na ng banal na haplos, wala nang sigla ang pagtatalo sa mga isyu at politika. Wala nang bakbakan at balagtasan. Kung nakararanas man ng kawalan ng kalinga at lingap ng gobyerno, puwedeng ihanay na lang sa “di bale na lang, matanda na kasi” o kundi’y nasa “last trip” na, huwag nang pansinin yan. Sa nalalabing mga araw, paano nga naman hihintayin ang pangako ng politiko? Sa umpukan, tila bigkis ang pananaw ng nagbibilang ng araw.
***
PAGBABAHAGI sa NilaYan (Nilay-Ugnayan sa Tiaong, Baliwag, Bulacan): Bakit hanggang ngayon ay malakas pa rin ang tukso ng sex? Wala namang bago sa sex at wala ring orig dito. Bakit ito ang pinagkakaabalahan gayung hindi naman yayaman ang mahilig dito? Bagkus problema pa nga raw: sa pera’t asunto. Sa pera, wala nang pantustos, baun pa sa utang. Sa asuntong rape, pera pa rin sa areglo, o kalabosong pangmatagalan. Madaling magpakasarap; sakripisyo ang magpakatino.
***
PANALANGIN: Sa ngalan Mo, iginagapos ko ang puwersa ng kasamaan na kumikilos laban sa amin. Fr. Mar Ladra, ng Healing Eucharist, na itinaaguyod ng Philippine Daily Inquirer.
***
MULA sa bayan (0916-5401958): Fake ang MC ban sa Metro Manila. May nais lang magkapera riyan. …2875, Estoy, Labangal,GenSan.

The post Pang-aapi sa nakamotor appeared first on Bandera.

‘My brother is not a pig!’

$
0
0

HANDA ka bang sumama sa pagbisita sa mga biktima ng masamang droga? Iyan ang Pagmamasid ng Diocese of Novaliches sa Ebanghelyo (1 Sam 24: 3-21; Sal 57:2-4, 6, 11; Mc 3:13-19) sa Paggunita kay San Francisco de Sales, Biyernes sa ikalawang linggo ng karaniwang panahon. Ang Pagmamasid ay ang paggiging gising sa kapaligiran at nararamdaman ang kasalukuyan; pinupukaw ang sarili upang maging handa sa susunod na hakbang.
***
Bagaman nananatili pa rin ang paninindigan kontra EJK, pumipihit na ang simbahan at kinikilala ang kasamaan at paninira ng droga sa pamilya, sa buhay ng tanan, Katoliko man o hindi (taon ngayon ng Ekumenismo at Dialogo sa pagitan ng mga Relihiyon kaya walang trosong nakaharang sa pagmamahal sa kapwa), dapat sama-sama labanan ang droga, yakapin at tulungan ang mga biktima ng masamang bisyo. Nasa matuwid at espirituwal na landas ang Butuan City Police Office nang ikampanya nito ang DEAD, o ang Drug Ends All Dreams. Espirituwal dahil ang misyon ng BCPO ay manatiling buo ang pamilya.
***
Dahil sa tagumpay na kampanya ni Bato kontra bato, napagtripan siya ng Amerika, na matagal nang bangag sa droga (yan ang gusto nila kaya ayaw nilang lutasin ang problema sa droga); binawi ang kanyang visa para di na niya madalaw ang pamilya sa US. Siyempre, nagalit si Duterte. Ang poot ng hari ay parang leon na umuungol. Ang gumalit sa kanya ay nanganganib ang buhay. Kawikaan 20:2
***
Natuyot ang isip ng mga nagsabing, “visa lang yan, bakit ibabasura ang VFA?” Tanga, gago. Yan ang bansag ng isang obispo (hinubog ni Cardinal Sin at may MA at SThD bukod sa DD) sa hindi nag-iisip ng malalim (critical thinking), kabilang na ang ilang pari (marami pa akong alam na sigalot ng pari sa kapwa pari, pero ibang istorya de un amor yan). Stupid at idiot. Marami rin naman daw ang tinangggalan ng visa pero di naman sila nag-ingay sa media at nagsumbong sa presidente.
***
Minsan na tayong naging gamu-gamo. Binabaril na parang baboy damo sa Crow Valley ang mga kabataang namumulot ng tingga, tanso at bakal pagkatapos mag-ensayo ang US fighter jets. Baboy damo (si Bato, si totoy)? Ang nangangalisag at nagngangalit na tugon ni Nora ay, “My brother is not a pig!” Hindi naman “pig” si Bato; si totoy. Hindi naman “pig” sina Bato, totoy at mga residente ng Balangiga, Samar. Umungol silang parang leon at nanganib nga ang buhay ng mga Kano. Wala pang presidente na lumaban sa mapang-aping Amerika, maliban sa Bisayang Duterte. Kaya mahal siya ng taumbayan.
***
Hindi naman nakinabang ang Pinas sa VFA at EDCA. Sipsip lamang ang dilawan kaya ipagtatanggol nila ito. Kasinungalingan na nakatulong ang Kano sa Marawi. Sa panahon ni BS Aquino, hindi niya pinaigting ang teknolohiya ng AFP at PNP. Bagaman araw-gabi ay nalalagasan, hindi umatras ang mga sundalo’t pulis sa Marawi. Yan ang umuungol na leon. Dugong leon, tulad ng pangulo. Tulad ni David na hindi umurong sa Pilisteo. Hindi ngawa; gawa ang ginawa ni Duterte (kaya nga isinoli ang mga kampana ng Balangiga dahil nangatog ang tuhod ng puti sa banta ng kayumanggi). Sinong mag-aakala na ang mayabang na Obama ay tumiklop at naging kuting kay Duterte?
***
Ang abuso ng mga Kano, na panggagahasa sa mga Pinay, ay naganap sa Cavite City, sa loob at labas ng Sangley Point Naval Base. Tinapalan ng pera (dolyar at piso) ang mga biktima’t hudikatura. Karamihan ay tinakbuhan na lang. Wala pang pampalaglag noon kaya maraming Pinay ang nabuntis. Ebidensiya: maraming Pinay na mestisang Kano ang sumali sa mga beauty contest. May mga nanalo at may mga natalo. Ang masakit, binansagan pa silang “hanggang pier” beauties.
***
Hindi kasama ang mapang-aliping Amerika sa binabalangkas na Code of Conduct ng Association of Southeast Asian Nations para malutas ang bilateral disputes ng mga kasapi, bagaman low-intensity conflicts ang mga ito. Ang Pinas lamang ang maingay, pero ang karamihang miyembro ay tahimik pero matatag na huwag magpaalipin, at maniwala, sa pambobola ng US; kaya itinakda ang susunod na pulong sa Las Vegas, ang lungsod ng sex at sugal at senglot.
Mapangutya ang alak at maligalig ang inuming matapang; hindi marunong ang namamalagi sa mga ito. Kawikaan 20:1.
***
UST (Usaping Senior sa Talakayan sa Bagna, Malolos City, Bulacan): Karamihang aksidente sa bahay ng mga senior ay sa loob ng banyo. Nadudulas sila dahil mahina na ang balanse. May ilang namamatay. May ilang nagtatagal sa ortho hospitals. Sa nakaririwasa, ipinagpapatayo ng sariling banyo ang matatanda: may upuan sa shower at matitibay na hawakan sa may inidoro. Kapag mahirap, kampanilya na pantawag ng tulong. O sigaw!
***
PAGBABAHAGI sa NilaYan (Nilay-Ugnayan sa Sumapang Matanda, Malolos City, Bulacan): Laziness, pride, envy, lust, greed. Ito’y mga kahinaan na kailangan ng pampalakas na espirituwal, ayon sa layko na tumawag ng umpukan (ugnayan). Pero, hindi iginiit ng layko na humingi ng payong kaluluwa sa mga nahihirapan. Nahihirapan? Malaya silang yakapin ang mga kahinaan. Likas ngang masukal ang daan sa Ikatlong Langit.
***
PANALANGIN: Ipagkaloob Mo ang wasto at makatarungan. Fr. Mar Ladra, ng Healing Eucharist, na itiataguyod ng Philippine Daily Inquirer.
***
MULA sa bayan (0916-5401958): Matrapik na. Dapat maraming MC taxi. …4590, Bankerohan, DC

The post ‘My brother is not a pig!’ appeared first on Bandera.

naTangaVirus, kumalat

$
0
0

ANG sakit sa katawan, emosyon at espirituwal ay madaling pagalingin, kung lalapit lamang sa Kanya. Karaniwan, ang sakit sa emosyon ang nauna pang lumalala, at nakamatay, dahil sa kawalan ng edukasyon at pagtitiwala. Iyan ang Pagsasaayos sa Ebanghelyo (1 Hari 8:1-7, 9-13; Salmo 132:6-7, 8-10; Marcos 6:53-56) sa kapistahan ni Santa Scholastica, Lunes sa ikalimang linggo ng karaniwang panahon.
***
Sa healing masses sa National Shrine of the Divine Mercy sa Marilao, Bulacan, ang unang panalangin ng pari at hiling ng mga pilgrims ay ang pagpapagaling sa sakit na ang pinarurusahan ay ang katawang lupa. Pero, hindi kinaliligtaan ng pari ang pananalangin sa sakit ng emosyon, na dulot ng bagabag at depresyon, maging ang sakit sa pera, o utang (Sapagkat Ikaw ang pag-asa ng mga nahihirapan at kublihan ng mga nasa kagipitan, naniniwala akong sa pagluhog kong ito ay tutulungan Mo ako. Maawa Ka sa akin, panalangin para sa di makabayad ng utang, ni Fr. Mar Ladra).
***
Kasabay ng pagkalat ng nCoV ay ang naTangavirus, na ang napinsala ay emosyon. Yan ang nangyari sa isang bayan, na tinubuan pa man din ng matatalino. Mabuti na lang at ang kanilang guni-guning virus ay hindi nahawa si Duterte, na kampanteng hindi tatamaan ang Pinoy. Sa suicide lecture ng Kanong si Fr. Cris Alar, kura ng National Shrine of the Divine Mercy sa Boston, Massachusetts sa Marilao, Bulacan, ipinaliwanag niya kung bakit hindi tatamaan ng nCoV ang Pinoy, na protektado ng divino. Kay Digong, ang proteksyon ay nanggagaling sa init ng araw, na kaloob din ng Diyos.
***
Para kay Pokwang, ang takot ay sanhi ng pagiging mahirap ng Pinoy, na walang perang pambili ng mamahaling gamot. Ang pinakamalaking takot ay mula sa kawalan ng pag-aaral sa coronavirus, na naiiwasan naman. Kapag ginamit na tema ng tsismis, maya-maya ay mahahawa na raw ng virus. Sinisisi ng ilan ang media, na siya raw nagpakalat ng takot. Kailanman, hindi nanakot ang simbahan, bagkus nagpaalala lang ng pag-iingat at dasal. Sa Talaarawan 1453, ni Santa Faustina: I should not capitulate to illness. One was regarded as seriously only when one was in one’s last agony.
***
Habang ang Batasan ay nagkukumahog sa pagpasa ng (mga) batas sa diborsyo, na wala namang katiyakan na makalulusot sa Senado, ang mga diyosesis ng Malolos, Novaliches at Cubao ay naliligalig sa dumaraming pagsasama, at hindi ang pag-aasawa dahil madalang o pa isa-isa na lang ang nagpapakasal. Madaling tapusin ang pagsasama ng dalawang puso na kapwa nagpasya na tuldukan na ang walang pinanumpaang unyon. Di iiral ang magastos na diborsyo ng Kamara. Maging ang mga kasal sa simbahan ay nagkakasundo na lang sa hiwalayan. Mas matipid ang hiwalayan at walang kuskos-balungos.
***
Swear to God (may gumagamit pa ba ng salitang ito?) daw na hindi nakita sa iskwater at resettlement areas sina Representatives Edcel Lagman, Arlene Brosas, France Castro, Sarah Elago, Eufemia Cullamat, Carlos Isagani Zarate, Ferdinand Gaite at Pantaleon Alvarez. Pero, nakikita sila na kasalamuha ng mayayaman, nasa poder at sosyal. Sila ang nangangailangan ng divorce at hindi ang mahihirap. Mas marami ang mahihirap kesa mayayaman; kaya walang silbi ang diborsyo sa dukha.
***
Kapag divorced na, meron daw “right to contract marriage again.” Matagal pa ito at maseremonya, magastos. Sa iskwater at resettlement areas, mamaya lang ay may bagong kasiping/kinakasama na ang mga naghiwalay. Narinig na ba ng mga mambabatas ang sagutang: Kung kaya mo, mas kaya ko? Kung hindi pa nila narinig ito at di pa rin sila nakikita na bumababa sa iskwater at resettlement areas, sayang lang pasuweldo sa kanila ng mahihirap/taumbayan.
***
UST (Usaping Senior sa Talakayan sa Santo Nino, Hagonoy, Bulacan): Masigla at maramdaming usapin ang depresyon sa matatanda, lalo na nang pangunahan ng nakaaalam ang umpukan at simulan sa maliliit na bagay, tulad ng apo na matigas ang ulo, P5 na lang ang nasa bulsa, asawa (senior na rin) na naglalaro sa ibang kandungan, atbp. Iba ang kalutasan kung ilalapit sa pari (pinakamaraming pari ang Hagonoy), pero mas mabuti kung idudulog sa may kaalaman sa siyensiya. Sa barangay? Wala silang pag-aaral at kasanayan, kahit na sa senior citizens office. Anghel kung ituring ang tumutulong sa depresyon ng matatanda.
***
PAGBABAHAGI sa NilaYan (Nilay-Ugnayan sa San Agustin, Hagonoy, Bulacan): Nakagugulat na asenso ang ibiniyaya sa Bulacan: lahat ay may sasakyan (motor o/at kotse, dahil napakamura ng downpayment). Parang ayaw nang sumakay ng jeep, maliban na lang sa di kayang magmaneho. Sa mga bagong sibol, nakababawas ng kisig kapag iniwan ang kotse dahil sa trapik; dahil ang kanyang uri ay pedestrian na lang at di na de-kotse. Pero, bakit puno pa rin ang bus na pa-Cubao?
***
PANALANGIN: Naniniwala ako, San Padre Pio, na dinidinig ng Panginoon ang iyong pagtawag para sa humihingi ng paggaling. Fr. Mar Ladra, ng Healing Eucharist, na itinataguyod ng Philippine Daily Inquirer.
***
MULA sa bayan (0916-5401958): nCoV? Wala yan dito. Malinis ang hangin at paligid namin. …2713, Langgam, Maco, Davao de Oro.

The post naTangaVirus, kumalat appeared first on Bandera.

Tinatamad na mga pari

$
0
0

PASTULAN ninyo ang katawan ng Diyos na kasama ninyo. Pangalagaan ito hindi nang sapilitan, hindi ng sakim sa salapi kundi nang bukal sa kalooban. Iyan ang Unang Pagbasa sa Ebanghelyo (1 P5:1-4; Sal 23:1-6; Mt 16:13-19) sa kapistahan ng Luklukan ni Apostol San Pedro, Sabado sa ikaanin na linggo ng karaniwang panahon.
***
Nakapanlulupaypay, sa cerrado Catolico na tulad ko, ang balitang kokonti (hindi konti, dahil ito na ang katapusan, pag konti na nga) na raw ang nagsisimba sa Pinas, at ang tinamaang simbahan ay ang Minor Basilica ni San Lorenzo Ruiz sa Binondo, Maynila. Ayon kay Rev. Siegfred Arellano, pari ng Minor Basilica, ang paghuho ng bilang ng mga nagsisimba, simula sa nakalipas na dalawang linggo, ay ang Covid 19, bagaman wala namang tinamaan ng coronavirus sa arabal ng Basilica. Pero ang simbahang Rosario noon ay nabawasan na ang nagsisimba nang maging negosyo ang paligid.
***
Ang kokonting nagsisimba ay di lamang sa Basilica ng Binondo, kundi sa maraming dambana ng diyosesis at pangunahing simbahan na dati’y itinuturing na malalakas na teritoryo. Maging ang Manila Cathedral, ang diyosesis ng Arzobizpado de Manila at Minor Basilica ng Inmaculada Concepcion ay nababawasan din ng mga nagsisimba, sa kabila ng aircon nito. Maliban sa Minor Basilica ng Nuestro Padre Jesus Nazareno, na hindi aircon, maraming simbahan na rin ang nabawasan. Maraming dahilan, pero ang tila pangunahin ay ang tamad na mga pari. Di na nakaaakit ang kanilang homilia.
***
Ang araw-araw na homilia, at ang dalawa hanggang apat na homilia araw-araw, ang kinatatamaran ng mga pari (paano na ang walong homilia sa Linggo, Solemnidad, kapistahan at Pangunahing Paggunita?). Maraming aklat ng RTR (ready-to-read Gospels with reflection) ang inililimbag; ang mayayamang diyosesis ay may sariling RTR. Hindi na magninilay at magsusulat ang magsesermon dahil puyat sa “nocturno vida” at babasahin na lang ang RTR o liliguy para di mahalata ng lectors, commentators at lay ministers.
***
Ang katamaran ng ilang pari ay makikita sa bilis ng kanilang pagmimisa, lalo na kung siya ang first mass sa 5 n.u. Ang tamad ay magpupursige para agad na matapos ang Misa. Ang “saintly priest” ay ninanamnam ang pagdaan ng trigo sa gilingan para angkop sa altar at ang pagpisa ng ubas sa winepress, wika nga. Sa madaling salita, sisikapin niyang maging totoo sa kanyang salita sa makasalanan, nagsisisi at nagbabalik sa pananampalataya para maunawaan at tanggapin ang Salita.
***
Sa isang “show” na sinubaybayan ng may 10 milyon Katoliko, tinanong ng tanyag na pari ang deacon kung ano ang kaibahan niya at ng magpapari. Ang sagot ng deacon: ang pari ay malaki na ang tiyan at siya ay maliit pa. Namula ang pari at halos pagbuhatan ng kamay ang namutlang deacon. Ang pag-inom ng alak gabi-gabi, bago matulog at ang pagiging matakaw sa pagkaing libre hain ng mga hermanos y hermanas ay nagiging sanhi ng paglaki ng tiyan at pagiging tamad kinabukasan.
***
Ang isa pang kinatatamaran ay ang pagtugon sa sick call. Ang sick call ay inihahambing din sa pagdalaw ni Maria kay Elizabeth, ang ikalawang Misteryo ng Tuwa, ayon sa Ebanghelyo ni San Lucas (1:39-45). Ang sick call ay agarang pagtugon, pero kapag ito’y nabalam o nabimbin, ang pamilya at maging ang may karamdaman ay labis na mag-aalala at mababagabag. Paano nila sisisihin ang Diyos na kanilang tinawag? Ang nakadadalamhati ay datnan ng pari ang naghihingalo na bangkay na. Ang pilosopong pari ay mangangatuwiran na trapik (kasi) at puwede pa raw dahil wala pang dalawang oras; at dadasalan na lang niya ang yumao malapit sa tenga.
***
Nakapanlulumo rin sa mga mananampalataya na alam nila ang bukas na lihim na si Father ay naakit ng demonyo ng laman, tulad ng nangyari sa isang maliit na parokya sa Mimaropa. Lumaban ang parshioners sa hayok na peri, pero natalo sila nang imbestigahan mismo ng simbahan at ihayag ng isang obispo na dinismis ng Vatican ang reklamong pangmomolestiya. Sa isang malaking simbahan, umalma ang mga obrero nito nang mapansin ang kakaibang interes ng isang pari sa altar girl; hanggang sa inilipat ang pari sa malayong parokya. Hindi naman nawawala ang pananampalataya’t pagsimba, kung mauunawaan lang ang homilia, tulad ng mungkahi ng isang obispo na paminsan-minsan, ipaliwanag ang aral ng Unang Pagbasa at Salmo, at huwag pairalin ang katamaran.
***
UST (Usaping Senior sa Talakayan sa Longos, Balagtas, Bulacan): Sa nakararami sa umpukan, ang may konsiyensiya na lang ay ang matatanda; at wala na ang mga bagong sibol. Nakalulungkot na ang kabataan ay wala nang konsiyensiya, na tinawag pa ng bagong henerasyon na moral values. Sa matatanda, GMRC (Good Manners and Right Conduct) yan. Ang moralidad ay nagmumula sa turo ng magulang at simbahan (Katekista, na laganap noon; wala na ngayon). Wala na nga ang moral values, wala na rin ang konsiyensiya.
***
PAGBABAHAGI sa NilaYan (Nilay-Ugnayan sa Wawa, Balagtas, Bulacan): Ang bagong panukat ng mataas na presyo ay tuwing may “emergency” sa bahay o sa pamilya. Sa biglaang pangangailangan sa ospital, presinto, atbp., ang kailangan ay P10,000, maging ito’y nasa bulsa o impok. Pero, hindi lahat ng nasa umpukan ay may itinabing P10,000.
***
PANALANGIN: O Jesus, ipinapanalangin ko sa Iyo ang mga paring nahaharap sa pagsubok at tukso. Fr. Mar Ladra, ng Healing Eucharist, na itinataguyod ng Philippine Daily Inquirer.
***
MULA sa bayan (0916-5401958): Ano na ba ang nangyari sa kaso ni Trillanes sa Davao City? …2780, Toril, DC

The post Tinatamad na mga pari appeared first on Bandera.

‘Pinuno for president!’

$
0
0

ANO ang pinagmulan ng inyong alitan? Hindi ba’t ang masasamang nasa na namumugad sa bawat isa? Meron kayong minimithi pero hindi makamtan. Iyan ang Pagninilay sa Unang Pagbasa sa Ebanghelyo (Santiago 4:1-10; Salmo 55:7-11, 23; Marcos 9:30-37) sa kapistahan ni Santa Walburga, Martes sa ikapitong linggo ng taon.
-o-o-
Inabutan ang live coverage sa Laug, Mexico, Pampanga. Dumami ang tao sa harap ng flat screen nang mahagip si Pinuno. “Magsasalita yan,” anang nananabako. Nagtagisan na ng kaalaman ang marurunong, ilan ay kilalang tuso, pero tila wala pa ang tiyempo ni Pinuno. Maya-maya’y panudyong pinansin ang kanyang presensiya at pinagdudahan pa kung sisingit at magsasalita ang salat sa pinag-aralan. Apuhap ang pananalita ng marurunong, na tila maingat na di makanti’t marungisan ang Dambuhala.
-o-o-
Pero, sa harap ng gumigiling na kamera, parang kidlat na gumuhit ang nagngangalit, “Kaya po ba kayo nahihirapang kumuha ng franchise ay dahil galit sa inyo ang Pangulo!?!” “Fearlessly thrown. The ony senator who had the guts,” anang isang nakapamburol sa gallery. Nagkutis suka ang panig ng Dambuhala. Interesado ba ang nasa harap ng flat screen sa prangkisa na sila mismo ay di naiintindihan kung anong klaseng dumi ng kalabaw ito sa parang sa labas ng bintana na di na hagip ng usok ng tabako?
-o-o-
Malinaw na hindi nakinabang ang Dambuhala sa tanong ni Pinuno. Pero, nakinabang si Pinuno sa Dambuhala kaya nga siya nanalo at di na ginamit ang maalamat na Leon Guerrero. Paanong pabor sa interes ng nananabako ang prangkisa ng Dambuhala gayung siya at mga manananim at mangingisda ay di uunahin ang pagsubaybay sa paikut-ikot na istorya ng pakikiapid at mas nanaisin pang nasa bukid at palaisdaan para may makain ang pamilya? Ayaw nga nilang subaybayan ang syoke dahil bukod sa hindi na siya nakatatawa ay nakasusuka pa ang panunudyo.
-o-o-
Sa ilang nakauunawa sa isyu, nakapagtatakang ibinabandeha ang Dambuhala bilang api. Hindi mailibing sa limot ng Kapampangan ang pandudusta’t pang-aapi ng Dambuhala sa kababayang si Gloria Macapagal, anak ni Dadong pobre ng Lubao, lalo na ang coverage noong siya’y nasa Veterans pa. Malaking negosyo ang tangan ng Dambuhala na kahit ipaliwanag ng ekonomistang GMA ay di mauunawaan, kailan man, ng magtotolda’t magkukumot ng Mexico. Malinaw na hindi sila naserbisyuhan ng nagyayabang, na tila ibinababa na ng divino.
-o-o-
Ang ipinagtataka ng masisipag na taga-Laug ay bakit kung sino pa ang Dambuhala ay iyon pa ang ipinaglalaban nang patayan ng pulot? Samantalang ang mahihirap dito ay deka-dekada para makaahon sa pakikipagsapalaran sa tela, tolda, kumot, banig at palay, na paubos na; nang walang kusang tulong at kalinga ng mapanlinlang na matatalinong senador. Ilubog man sila ng matagal na baha ng habagat at bagyo ay wala silang tinatanggap na saklolo. Paano nakapaglingkod ang mga senador at Dambuhala, na ipinagmamalaking 60 taon na raw nagseserbisyo? Freedom of expression? Para sa mahihirap dito, hindi nakakain yan. Pinuno for president, sigaw ng taga-Laug.
-o-o-
“…dahil galit sa inyo ang Pangulo?” Sa Davao City, ang pinanggalingan ng minaliit na mayor, ang atraso ay atraso. Basta atraso, atraso yan. Hindi ba nauunawaan ang damdamin ng alkalde sa lalawigan na minaliit at inapi ng Dambuhala? Kung nagbabasa’t nag-aaral ng Ebanghelyo ang Dambuhala, madalas sambitin ng Unang Pagbasa, Salmo, Ikalawang Pagbasa at mismong ang Ebanghelyo na huwag apihin ang maliliit. Buong taon ng pag-aaral sa ilalim ng mga liturhiya. Katoliko pa man ding naturingan. Ang maliit ay itinataas; ang nasa itaas ay ibinabagsak; ang gulong ng buhay.
-o-o-
Nais ng mga residente ng bayan ng Senator Ninoy Aquino sa Sultan Kudarat na palitan na ang pangalan ng kanilang tinubuan. Marami na silang naririnig at nababasa hinggil sa masasamang ginawa ni Ninoy Aquino. Hindi nila kilala si Aquino, pero ito ang isinalaksak sa kanilang kaalaman. Nais nilang pangalanan ang bayan sa mga Moro na nagtanggol sa kanila at namuhay nang malinis at makatao.
-o-o-
UST (Usaping Senior sa Talakayan sa San Vicente, Malolos City, Bulacan): Biliko. Bilmoko. Tila hindi na angkop sa matatanda. Tama na ang shopping, lalo na kung may biyaya na. Tama na ang buying kahit kaya pang bitbitin ang dalawang bayong. Ilan pa ba ang kailangan mo? Marami pa bang kulang? Ah, oo nga pala. Marami pang bibilhin ang senior para sa apo. Marami pang kailangan na maintenance. Di na kailangan ang materyal sa pagtanda.
-o-o-
PAGBABAHAGI sa NilaYan (Santo Nino, Malolos City, Bulacan): Tanyag ang pook na ito sa mga nagpapakasal, lalo na sa simbahan. Pero, malaki na ang ipinagbago ng panahon. Nababawasan na rin ang bilang ng mga nagpapakasal. Ito na nga ba ang bagong kalakaran? Henerasyon? Ayaw na ba nila ang basbas ng banal na espiritu? Ang ayaw sa simbahan ay kalayaang ibinigay ng anak ng Diyos. Huwag abusuhin ang kalayaang ito.
delayed and declining marriage.
-o-o-
PANALANGIN: Tulungan Mo kaming talikuran ang pagkamakasarili at turuan Mo kami sa hangarin para sa mamamayan. Fr. Mar Ladra, ng Healing Eucharist, na itinataguyod ng Philippine Daily Inquirer.
-o-o-
MULA sa bayan (0916-5401958): Kailangan namin ng puhunan sa pagtitinda. …4356, Bongabong, Davao de Oro

The post ‘Pinuno for president!’ appeared first on Bandera.


Covid-19: Uod lang tayo

$
0
0

INILIGTAS Niya ang nasisiraan ng loob dahil batid Niya ang pangangailangan ng lahat. Humingi ng kagalingan; ito’y tanda ng pagpapakumbaba. Iyan ang Pagninilay sa Ebanghelyo (Is 55:10-11; Sal 34:4-7, 16-19; Mt 6:7-15) sa araw ni Santa Catalina Drexel, Martes sa unang linggo ng kuwaresma.
***
Hanggang kagabi, tanging ang Pinas (ang tanging bansang Katoliko sa Asya) na lamang ang patuloy na inililigtas ng Divino laban sa nakamamatay na Covid-19.
Kahit marami nang ipinatutupad na pagbabawal ang kapulungan ng mga obispo sa Intramuros, at ang iba’y nilalabag din naman sa maliliit na parokya sa mga lalawigan, dagsa pa rin sa mga Misa ang madla, lalo na sa mga Misa ng Pagpapagaling (Healing Masses), sa National Shrine of the Divine Mercy, National Shrine of St. Anne, sa St. Jansen Hall sa Christ The King, National Shrine of the Sacred Heart of Jesus, National Shrine of Our Lady of Lourdes, National Shrine of Our Lady of Fatima, National Shrine of St. Padre Pio, atbp.
***
Ni sintomas ng Covid-19 ay wala. Ang marubdob na pagtawag at pananampalataya ay kapuna-puna hindi lamang ngayong may banta ng Covid-19.
Sa nakatatakot at tila di maiiwasang Covid-19, kalamidad, lindol at pagputok ng bulkan, ipinaaalala na tayong lahat ay maliliit lamang at walang puwersa, mayaman man o mahirap, makapangyarihang politiko man o payak, tulad ng balo na naghulog ng kalansing sa buslutan sa sinagoga.
Ang pangamba ay nagpapaalala rin na tayo’y marurupok, pangulo man o Santo Padre. Ang tanging kalasag na lamang ay ang pagdarasal, at paglikas; dahil ang dasal ay walang bisa kung walang gawa.
***
Bagaman walang tatalo sa pagtawag sa Espiritu Santo na punuin Niya tayo ng lakas at pumasok sa puso ng lahat upang maunawaan at tanggapin bilang pasya ng Diyos ang mga nagaganap ngayon, sa bansa man o sa labas, ang pagtatalaga at pagpapaubaya sa Berbo sa ating buhay ngayon at bukas ang mas lalong nagpapatatag ng ating pananalig (iligtas Mo ako? Mali. Paano yung iba?).
Kaya ba ng mga kaka (kapamilya’t kapuso) sa Pinas ang nagaganap sa China, Italy, Iran at South Korea? Di ba kamangha-mangha na tayo’y matatag at wala sa krisis? Di ba tayo’y pinagpala pa rin?
***
Ang pagpapala ay sukli sa marami at kanya-kanyang nobena ng mga, hanggang ngayon, ay naniniwala’t nananalig pa rin sa Santatlo.
Sa dambana ng Birhen ng Lourdes sa Cabetican, Bacolor, Pampanga, ang nobena sa Mapagpagaling na Puso ni Jesus ay nagpapatuloy para sa mga may trangkaso, na sa China’y Covid-19 na; nobena sa Mahal na Birhen ng Fatina, na ang mga pinagpakitaang mga bata na sina Jacinta at Francisco Marto ay namatay sa trangkaso; sa Divine Mercy sa Santa Rosa 1, Marilao, Bulacan; Santo Padre Pio sa Santo Tomas, Batangas; San Pedro Apostol, patron ng mga nilalagnat; Birhen ng Manaoag sa Pangasinan; Santa Faustina ng Divine Mercy; San Roque, patron ng nakahahawang mga sakit; San Camilo, na ang parokya ay malapit sa editorial ng Inquirer Bandera; San Martin de Porres, ang nagpapagaling ng mga sakit na nakuha sa mga biyahe; Birhen ng Lourdes (Retiro, Santa Mesa Heights, QC), na ang pinagpakitaang si Santa Bernadette Soubirous ay namatay sa sakit sa baga, tulad ng tinamaan ng Covid-19; San Blas, ang nakapipigil ng virus simula pa lamang sa lalamunan; at San Hudas Tadeo.
Kami’y uod lamang, na sa lupa’y gumagapang. Mahal na Birheng Maria, kung hindi mo tutulungan, ano ang aming kinabukasan?
***
Sa Athletes Village sa Capas, Tarlac, nabawasan ang bilang ng mga may hinihinalang Covid-19. Sa mga silid ng mga na-quarantine, nagdasal ang mga Katoliko at mga kaanib sa ilang sekta.
Sa cruise ship pa lamang ay nagdarasal na sila. Walang Katoliko, walang sekta, walang Muslim. Kanya-kanyang dasal at kanya-kanyang tinatawag. Sa taon ng Katoliko, ang 2020 ay ekumenismo’t interelihiyosong diyalogo.
Ito’y pagkakaisa ng mga Kristiyano’t pagkakasundo ng mga mananampalataya. Nagkataon? O itinakda ng Divino?
***
UST (Usaping Senior sa Talakayan sa Duhat, Bocaue, Bulacan): Sa work group sa isang talakayan, hiniling sa matatanda na ilista ang tatlong pangunahing ambisyon noong sila’y bata pa; at isang ambisyon ngayong sila’y matanda na. Mahigit sa kalahati ang sablay ang mga ambisyon. Iilan ang nakamit ang ambisyon. Sa ambisyon sa pagtanda, bokya. Wala nang naghangad ng kahon at wala na ring naghangad ng pera. Mali ang kasabihang di madadala sa hukay ang kahon at pera. Ang tama: di susunod sa hukay ang kahon at pera.
***
PAGBABAHAGI sa NilaYan (Batia, Bocaue, Bulacan): Kalabisan na ang pagsamba sa gadgets. Sa grupo ng estudyante’t mid-professionals, malinaw ang kakulangan sa kaalaman sa Ingles at Balarila. Malabo rin ang pagkaunawa sa binasang Ingles at ilang talata ng Florante At Laura. Dito pa lang ay may problema na. Paano pa sa buong bansa?
***
PANALANGIN: Ama naming mapagmahal, katulad ng buhay, ang kalusugan ng katawan ay biyayang kaloob Mo. Fr. Mar Ladra, ng Healing Eucharist, na itinataguyod ng Philippine Daily Inquirer.
***
MULA sa bayan (0916-5401958): Ang sabi sa media, nabawasan na ang presyo ng LPG. Dito, hindi pa. Bakit? …4578, Mintal, DC

The post Covid-19: Uod lang tayo appeared first on Bandera.

Diborsyo kina Maria, Jose

$
0
0

HUWAG manghusga. Di lahat diborsyo ang lunas. Baka ang kailangan lang ay konting habag at hindi babag. Huwag humatol para di hatulan. Iyan ang Pagninilay sa Ebanghelyo (Dn 9:4-10; Sal 79:8-9, 11, 13; Lc 6:36-38) sa Kapistahan ni Santa Francisca Romana, Lunes sa ikalawang linggo ng kuwaresma.
***
Bakit walang politiko o mayamang Katoliko ang tumulad sa payak na buhay at tapat na pagmamahalan nina San Jose at Birhen Maria? Dahil ba wala na silang paggalang sa makalangit at malinis? Pero sa aba ay marami pa rin ang tumutulad kina Jose at Maria. Isa na ang mga magulang ng kura ng isang pambansang dambana, na kilala sa buong mundo, sa teritoryo ng Diocese of Malolos. Ang pagmamahalan nila ay wagas dahil nang bawiin ang hiram na buhay ni Teresa noong Agosto ay itinakda naman si Francisco noong Nobyembre ng sukob na taon. Ilog ang luha pero ang anak na pari ay nalugod sa pasya ng Divino Berbo.
***
Mahirap bang tularan ng mag-asawa ang mahusay na pagsasama nina Jose at Maria, kaya’t ang bawat mahal na grasya ay di lumayo sa dalawang banal? “Nguni’t ang palaaway, mapagtalo gabi’t araw, punong kinapopootan, tuloy ikinapaparam, grasyang kamahal-mahalan.” Bakit ayaw tularan, ang simpleng panuntunan, nina Jose at Maria; ang maging sunud-sunuran sa isa’t isa at ang palaging pagbibigayan para sa matimtimang tahanan? Kapag pinairal ang asal, di nga matatamo ang tuwa ng Paraiso.
***
Paano didiborsyohin ang kasal sa banig, na siyang talamak na kasunduan ngayon, lalo na sa resettlement areas at iskwater? Sa mga bundok ng Sierra Madre, kabilang na ang Dona Remedios Trinidad, Bulacan, umiiral ang kasal sa riple (M16), madali ang hiwalayan at pinapayagan ang ikalawa, ikatlo, ikaapat, atbp, na kasal sa riple kapag itinaas na ni kumander ang nakakuyom na kamao, sa saliw ng Internationale.
***
“Everyone deserves another chance in pursuing a life of their own,” anang mambabatas na atat na sa divorce. Marami namang pagkakataon sa buhay. Sa malayang pamumuhay na iginawad at kinikilala ng simbahan, puwede ang dalawa, tatlo, apat…10, 11,12… diborsyo. Masaya ka na dahil nakarami ng diborsyo? Naging ganid sa diborsyo? Anong katinuan at moralidad ang ipapamana sa mga bata, ang tutularan ng balana? Sa pagdinig sa Kamara, niluto ang putahe: isa lang (daw) ang kinumbidang grupo na tutol. Mahigit 10,000 ang grupo sa simbahang Katolika na ayaw sa diborsyo. Lutong macau. Putaheng laman.
***
Mas malaya ang mga patakaran sa diborsyo noong panahon nina Jose at Maria, sa ilalim ng batas at Bibliang Hebreo. Pero, mas pinili ng dalawang banal ang mamuhay sa lilim ng tunay at banal na pagmamahalan. Nang malaman ni Jose na buntis na si Maria gayung hindi pa niya ito sinisipingan, hindi diborsyo ang binalak ng anluwagi, kundi ang layuan na lamang siya para iwasan ang kahihiyan (pero namagitan ang anghel sa panaginip). Hayan ang iningatang pag-ibig.
***
Ang binabalangkas na mga batayan ng absolute divorce:
• Kung ang mag-asawa ay hiwalay na ng limang taon. Mga taon nang hiwalay? Sanlinggo nga lang yan sa iskwater at resettlement areas.
• Psychological incapacity. Kathang isip lang yan sa iskwater at resettlement areas. Eksperto sa ganyang drawing ang mga abogado.
-o-o-
• Nagpalit ng ari si lalaki at naging vagina. Ma-Pa yan sa iskwater at resettlement areas.
• Irreconcilable differences. Hiwalay agad yan sa iskwater at resettlemt areas. Hindi naman sila kasal, nu.
• Nakakuha ng foreign divorce. Walang ganyan sa iskwater at resettlement areas.
• Ang kasal ay ipinawalang bisa ng simbahan, sekta o denominasyon. Kasal banig nga, kaya walang kasal na lulusawin.
• Bugbugan. Sa iskwater at resettlement areas, ora mismo o bukas na bukas din, hiwalay na. Wala pang gastos.
***
“A six-month mandatory cooling-off period is required after a petition for divorce has been filed.” Ang tagal naman. Di na makapaghihintay ang na-trauma sa iskwater at resettlement areas. Ang ipinakikita nito ay umalis na sa kabanalan ang nagsasama; o kundi’y nagkulang ang simbahan sa pagpapastol. O kundi’y mas pinili nila ang pagsasama na nais ng demonyo. Malaya sila at ipinauubaya rin ng Diyos ang ganyang kalayaan, basta hapi sila.
***
UST (Usaping Senior sa Talakayan sa Panginay, Balagtas, Bulacan): Pinaghandaan ba ang pagtanda? Sa talakayan, may mga hindi naghanda dahil malayo pa raw ang edad-60; o kundi’y walang kakayahan dahil dukha lang; o kundi’y bahala na si batman. Ang kalagitnaang edad ay 30-35; 40 kung tatawad dahil aabot pa raw sila ng 80. Iniasa naman ang bukas sa anak, na nang tumanda ay nagkahiwalay naman sila ng landas; kaya kabilang siya sa SoLo (Solong Lolo). O SoLa. Masakit ang pagtanda kung walang pera. Mas masakit kung iniwan na ang Diyos at iniwan na rin siya ng Diyos dahil sa kalayaang pinili.
***
PAGBABAHAGI sa NilaYan (Longos, Balagtas, Bulacan): Mahirap ang buhay. Napakahirap pa nga raw. Kung mahirap at napakahirap, bakit buhay pa? Nakayayao’t nasa mall pa, kahit nagsalo lamang sa budget meal ang dalawa. Kung kayang tugunan ang kahirapan at nakagagawa pa ng paraan nang walang nilalabag na batas ng tao’t Diyos, ang tawag diyan ay improvement. Hindi porke’t mahirap ay tatanggapin na lang ang dumadaang lugmok. Hindi hard life yan; baka tough life. Sa tough life, diyan nakararaos ang Pinoy.
***
PANALANGIN: Santa Maria, ingatan mo ang aking pamilya. Ipagsanggalang kami sa mga kalaban. Fr. Mar Ladra, ng Healing Eucharist, na itinataguyod ng Philippine Daily Inquirer.
***
MULA sa bayan (0916-5401958): Kung ako yung guwardiya ng Greenhills, gagawin ko rin iyon. Wala na bang karapatan ang guwardiya na magsalita sa publiko? …3289, Rimando High School, Maco, Davao de Oro.

The post Diborsyo kina Maria, Jose appeared first on Bandera.

Aquinos burahin sa P500

$
0
0

HINDI ka pa ba natatauhan sa kapalpakan ng gobyerno sa pamumuhay? Huwag patawarin ang kanilang kasalanan. Iyan ang Pagsasagawa sa Ebanghelyo (Mik 7:14-15, 18-20; Sal 103:1-4, 9-12; Lc 15:1-3) sa araw ni Santa Matilda, Sabado sa ikalawang linggo ng taon.

***

“Sino ang nakalarawan dito, na narito rin ang kanyang pangalan? Sumagot sila: Ang Cesar. At sinabi Niya sa kanila: Kung gayon, ibigay kay Cesar ang para kay Cesar, at sa Diyos ang para sa Diyos.” Mt 22:20. Nagalit ang ilang nakapila sa kahera sa isang ospital sa North Caloocan habang naka-community quarantine na ang Metro Manila bunsod ng Covid-19. Bukod sa ngalit sa Covid, nakangiti pa sa kanila sina Corazon Aquino at Benigno Simeon Aquino III sa P500 pera. Iniinsulto tayong mahihirap ng ngiti ng mag-inang Aquino, ang dalawang salot sa pamumuno ng Pinas. Si Corazon ang presidenteng iniluklok ng nag-alsang militar, sa pangunguna nina Enrile’t Ramos. Pekeng presidente. Si Benigno naman ang nagpatalsik, kaya namatay, kay Chief Justice Renato Corona, na “nagbabalik” bilang virus; at nagpakulong kay Gloria Macapagal Arroyo.

***

Kay Cesar, kay Cesar. Ibigay sa nga Aquino ang para sa kanila? At sa Diyos ang para sa Diyos. May dugo ang kamay ng mga Aquino sa Mendiola at Luisita massacres. Wala pang hustisya ang mga nabalo’t naulila. Ngingitian lang ng mga Aquino? Ang dalawang Aquino ay aso ng Kano, na hindi naman talaga sila tinulungan bagkus ay inonse pa. Ang pakikialam ng Clark sa kudeta kay Corazon noong Disyembre 1989 ay para protektahan ang malalaking base militar ng Kano, na di napigilan ni Cory na mapatalsik nang magpasya ang kanyang mga galamay sa Senado (pero ang VFA ay inilagay ni Benigno, na di naman siya tinulungan sa Kalburo ng mangingisdang Ilokano’t Panga sinense).

***

Sa pananalasa ng Covid-19, nakiayon ang simbahang Katolika, pero di naman sinunod ang karamihang “bawal” sa mga parokya’t kapilya sa mga lalawigan (tulad ng Aurora’t northeastern Bulacan). Walang masabi sa mga ginawa ni Duterte ang mahihirap pero minumura nila si Duque. Anong virtud ba meron si Duque na wala ang magagaling na sina doctors Leachon at (Willie) Ong? Hasler ang tingin ng matitino kay Duque, na kayang “maglingkod” sa sinumang presidente, tsonggo man o kalapati. Maging ang kasong kriminal na Dengvaxia ay nahihiya kay Duque.

***

Maraming mahihirap ang natataranta sa Covid-19. Pero, ayaw naman nilang aminin na ang “taranta” ay bunsod ng kanilang katangahan sa balita: ayaw makinig sa radyo, manood ng news TV at magbasa ng Inquirer Bandera, at iba pang pahayagan, tab o broad. Malinaw pa sa sabaw ng tinolang manok na nataranta si Duque sa pananalasa ngayon ng Covid-19. Pero, malabo naman sa sabaw ng pusit ang kanyang mga pahayag, na tila ginaya lang ang Dengvaxia declarations sa Senado’t Kamara. Mas masipag pa sana si Duque ngayon, kesa noon. Pero, di ba nakahahalata si Duterte na pinaiikutan na lang siya ng bisero?

***

Bakit kapag sikat(chupoy) ang nagka-Covid ay nasa media agad at ang mahihirap na nasa iskwater at resettlement areas ay hindi inilalathala kahit blind item man lamang? Nakadidiri ba ang nasa iskwater at resettlement areas, gayung wala naman silang ketong na hindi pinandirihan ni Jesus? Bakit kapag superyaman at tanyag sa politika ay itinatago na parang may tulo, gayung bumuyangyang naman si Kris? News ba talaga ang Covid-19 at hindi news ang tinamaan nito? Privacy? Bakit si Tom Hanks?

***

Sa mga liblib na lugar sa Dilasag, Aurora, hindi natatakot ang mahihirap sa trangkaso Covid. Kaya nila ito dahil mas maraming gulay ang kanilang kinakain araw-araw. At mag-uulam lamang ng karne kapag may okasyon. Pero, unti-unting nawawala ang karneng baka. Okey lang naman daw dahil kung may malaking problema ang Metro Manila, ligtas pa rin sila sa simple at payak na pamumuhay.

*** UST (Usaping Senior sa Talakayan sa Encanto, Angat, Bulacan): Kapag matanda na ay di na kasali sa pag-aaral? Mali. Ang pag-aaral ay patuloy na edukasyon at walang edukasyon kapag di na ipinagpatuloy ito.

Kaya nga maraming matatanda ay tanga. Di na mahirap ang mag-aral ngayon dahil may mga lokasyon sa Internet na hayagang nag-aalok ng kaalaman, sa ayaw man at sa gusto ni lelong. Bakit maraming kabataan ang nag-aaral ng paggawa ng bomba?

***

PAGBABAHAGI sa NilaYan (San Roque, Angat, Bulacan): Kahit mahihirap ay may gadget o laptop. Hindi pala sila naghihirap. Pero, mahihirap ang tagarito. Magsasaka. Driver, atbp. Hindi na ngayon. Nakatutuwa na ang maliliit ay malalaki’t mayayaman na rin sa makabagong tech at Internet. Ayon sa umpukan, naibsan na ang kahinaan ng mahihirap at may sumisikat na blogger na rin mula rito. May naipagyayabang na ang mahihirap dito. Pero, ang di magandang kaakibat: ginagamit ang social media sa tsismisan. High tech na nga.

***

PANALANGIN: Tulungan Mo akong umiwas sa lahat ng labis at di makabubuti sa aking kalusugan. Fr. Mar Ladra, ng Healing Eucharist, na itinataguyod ng Philippine Daily Inquirer.

***

MULA sa bayan (0916-5401958): Noong bata pa kami, gusto naming magpunta sa Maynila. Ngayon, ayaw na namin. May sakit din dito, kukuha pa kami ng sakit sa Maynila? …7860, ng Bongabong, Pantukan, Davao de Oro

 

 

The post Aquinos burahin sa P500 appeared first on Bandera.

Viewing all 138 articles
Browse latest View live


<script src="https://jsc.adskeeper.com/r/s/rssing.com.1596347.js" async> </script>